binabasa mo ang...
Breaktime

Breaktime! – Lesson 2: Pandora’s Box

SA ikalawang araw ng pagtuturo niya ay hindi muna siya dumeretso sa classroom ng klase niya.

Pumunta muna siya sa faculty room kung saan naruon ang ibang mga guro upang maghanda sa kanilang klase. Inaamin niyang nahihirapan siya sa mga estudyante niya ngayon, lalo na si Chloe na tila isang malaking kontrabida sa pagiging guro niya. Pero ayos lang iyon, siguradong may dahilan ito kung bakit ayaw nito sa kaniya. Kung ano man iyon ay malalaman din niya sa tamang panahon. Sa ngayon ay dapat niyang pagbutihin ang pagtuturo upang hindi siya mapahiya kay Mr. Yukito, Chairman ng Rominian University, na may malaking pag-asa na mababago niya ang kalidad ng edukasyon sa pinasukan niyang paaralan.

May ilang metro na lang ang layo niya sa faculty room nang biglang sumulpot ang isang babae sa kaniyang harapan. Hindi ito ganun katangkad at tila ito ang pinaka-bunso sa lahat ng estudyanteng nakita niya. Nakasalamin ito at naka-ponytail ang buhok nito. Pinagmasdan niyang mabuti ito at napansing madumi ang suot nito. Mangiyak-ngiyak ito ng humarap sa kaniya ngunit ang titig naman nito ay nasa sahig, tila nahihiya sa kaniya.

“Anong nangyari sayo ha?” tanong niya dito pagkatapos na ibigay ang jacket na suot niya. Ibinalot niya ito dito dahil nilalamig din ito.

Ang paghikbi nito ay nauwi naman sa isang ganap na pag-iyak. Mabilis na yumakap ang babaeng nakasalamin sa kaniya saka ito humagulgol. “Hi– hindi ko na kaya Sir! A– ayoko nang mag-aral!”

Bigla ay nasulyapan niya ang isang bagay na lumilipad patungo sa direksyon ng batang nakasalamin. Isa itong maliit na lobo na tila may lamang tubig sa loob. Babasain nito ang batang babae!

“Ilag!” mabilis niyang binuhat ang batang nakasalamin at kapwa sila nakailag sa bagay na ibinato sa kanila. Tila mabilis namang tumakbo ang taong nagbato ng lobo na may lamang tubig sa kanila.

“Ayos ka lang?” tanong niya sa batang nakasalamin ngunit nawalan na ito ng malay dahil sa sobrang pagod. Mabilis niyang isinugod sa klinika ito.

ISANG magiliw na ngiti ang ibinigay sa kaniya ng doktor na tumingin sa batang nakasalamin.

Maayos na ang kalagayan nito at ayon dito ay sobrang stressed na ang batang nakasalamin na naging dahilan kung bakit bumigay ang katawan nito. Walang araw sa isang linggo na hindi nadadala sa klinika ang batang nakasalamin.

“Dok, ano po ba ang pangalan niya at anong year po siya?”

“Maniniwala ka ba kung sasabihin kong fourth year high school na siya?”

“Talaga!?”

“Kitams, pati ikaw ay hindi makapaniwala no?”

“Oo nga po dok. Pero bakit? I mean, sa estado ng pisikal niyang pangangatawan ay malabong makatuntong agad siya sa fourth year.”

“Well, nasa Rominian University ka Sir Flik. Anything is possible here.”

“You– you know me?”

“Of course. Ikaw kaya ang hot-topic sa school ngayon. Imagine, napasunod mo si Katie Fey na sidekick ni Chloe. Mga pasaway talaga ang mga yan pero I’m sure, may good side din na tinatago ang mga yan.” sabay ngisi nito.

Nginitian lamang niya pabalik ito. “Talaga lang ha. I guess it’s an honor to be one.”

Sumagi ang tingin niya sa orasan. Thirty minutes na pala siyang late! Mabilis siyang tumayo at nagpaalam sa doktor na tumingin sa batang nakasalamin na nakilala niya kanina. Kailangan na niyang pumasok sa klase niya sa Class 4-7!

PAGDATING sa Class 4-7…

“Sorry I’m late!” mabilis niyang sabi pagbukas niya ng pintuan. Ngunit dalawang estudyante lamang ang nakita niya duon. Si Katie at Trey.

“Hi Sir, good morning!” koro ng dalawa sabay ngiti. Magkatabi ito at magka-holding hands habang kapwa nakikinig ng musika sa mp3 player na hawak ni Katie.

Tinanggal ni Trey ang earpiece sa tenga nito. “Bakit ngayon ka lang? Yan tuloy, nag-walk-out ang klase.”

“Oo nga. And guess who kung sino ang pasimuno?” may pagbibirong tanong ni Katie.

“Chloe?” hula niya.

“Correct!” sabay tawa ng dalawa.

“Since wala naman kaming ginagawa, we decided to stay here and wait for you. Ano ba kasing nangyari? Napaka unusual para sa bagong teacher ang ma-late sa klase niya. For sure, something big happened, right?” usisa ni Katie bago ito tumayo sa kinauupuan nito saka lumapit sa kaniya.

“Well, may aksidente lang na nangyari. By the way, who’s the youngest fourth year high school student here?”

“Youngest? Ahh! Si Elpis! Two weeks na kayang hindi pumapasok yun! Balita nga namin, lagi lang daw nasa library yun!”

“Don’t tell me, pati si Elpis ay hindi rin nakaligtas sa kalupitan ni Chloe?”

“No, Chloe is not like that. May mga ilan lang kaming mga kaklase na talagang gusto siyang pagtripan. If you like, I can give you their names para maturuan mo ng leksyon.” alok ni Trey bago ito lumapit sa kaniya saka nagsulat ng mga pangalan sa blackboard.

Pagkatapos na maisulat ni Trey ang mga pangalan ng mga estudyanteng nang-aapi kay Elpis ay nagulat siya sa dami ng bilang na ito. Sampung pangalan ang nasa blackboard. Ibig sabihin, sampung tao na puro lalake ang nang-aapi kay Elpis. Sampu laban sa isa. That is way beyond unfair!

“Thanks Trey. I promise, bukas, nandito na si Elpis sa harapan ninyong lahat.”

Namilog ang mga mata ni Katie at Trey. Tila imposible ang narinig nila ngunit nabuhayan sila ng loob at pag-asa dahil nagmula iyon sa isang tao na may paninindigan at may kakaibang ugali. At walang iba kung hindi ang pinakamamahal nilang guro na si Sir Flik!

HAPON na at malapit nang mag-gabi ng makita niyang lumalabas ng silid ang batang nakasalamin na nakasalubong niya kanina. Mabilis niyang nilapitan ito saka kinausap.

“Elpis!”

Lumingon ang batang babae ngunit tila napako naman ito sa kinatatayuan nito saka tumitig sa sahig na gaya ng una nitong ginawa. “Si– sir…”

“Kamusta ka na? Ok ka na ba?”

“O– opo, ok na po ako…”

“Tara, kain tayo.”

“Bu– busog pa po ako. Si– sige, uwi na po ako.” sabay talikod upang maglakad papalayo sa kaniya.

Mabilis niyang hinawakan ang balikat nito saka iniikot papaharap sa kaniya. “Elpis, patawarin mo ako.”

“Huh?”

Isang katamtamang sampal ang natanggap nito mula sa kaniya. Kahit masakit sa kaniyang kalooban ay kailangan niyang gawin ito upang magising sa katotohanan si Elpis. Ang batang nakasalamin na naka-ponytail na laging pinagti-tripan ng sampu nitong kaklase na kabilang sa Class 4-7 na ipinagkatiwala sa kaniya.

Mangiyak-ngiyak namang hinawakan ni Elpis ang pisngi nito habang tila nagtatanong ang mga mata nito sa kaniya kung bakit niya ito sinampal. “Ba– bakit?”

“Hindi na kita bibigyan ng shortcut Elpis at hindi rin kita ituturing na bata. Wake up for goodness sake! Hindi ka ba naaawa sa sarili mo? Sampung lalake ang umaapi sayo at walang kang ginagawa? I can’t imagine na nakatuntong ka ng fourth year despite of your age tapos nagpapa-api ka lang? Ganyan ka ba kaduwag?”

“Si– sir?”

“Oo, duwag ka! At pagkatapos mong maduwag, nawalan ka ng pag-asa. Pag-asa upang harapin ang kalupitan ng buhay. Pag-asa upang umasa sa isang bukas na kaya mo namang baguhin ang hindi mo nagawa sa kasalukuyan. Elpis, ano ba ang tunay mong kahulugan sa buhay?”

Mabilis na nag-unahan ang mga luha sa pisngi ni Elpis. Tila nasaktan ito ng labis sa mga sinabi niya. Hindi ito makapagsalita at gaya ng dati, napako lamang ito sa kinatatayuan habang nakatitig sa sahig na gaya ng una nitong ginawa.

“Pumasok ka sa klase bukas. Dahil kung hindi, mag-re-resign ako dahil bigo ako upang masubaybayan kita bilang isang guro mo.” tumalikod siya saka naglakad papalayo kay Elpis. Ngunit nilingon niya ito saka siya sumigaw muli. “Nga pala, hindi pala ako teacher kung hindi isang kaibigan! Tandaan mo yan! See you tomorrow!”

Para kay Elpis, iyon na yata ang pinakamahabang hapon sa buhay niya. Kasabay nito ay ang muling pag-usad ng panahon sa paligid niya dahil nasilayan din niya ang dahan-dahang pagbaba ng araw mula sa kalayuan.

KINABUKASAN, sa Class 4-7 muli…

“Balita ko, pababalikin mo daw si Elpis sa klase sa araw na ito. At pag hindi mo raw ito nagawa ngayon, mag-re-resign ka? Tama ba?” pang-uupat ni Chloe sa kaniya saka tumingin sa kabuuan ng klase.

“Yes, tama ka Chloe.”

“May resignation letter ka na ba?”

“Wala and I don’t need one dahil babalik si Elpis ngayon.” paniniguro niya sa klase. Ngumisi rin siya kay Chloe na naging dahilan upang maasar ito.

“At kung sakaling hindi dumating si Elpis…” lumapit siya sa katabi ni Chloe na lalake saka kinuha ang isang bagay sa loob ng bag nito. “… isasama ko papalabas ng eskwelahan ang sampung lalake na pasaway sa klase na ito.”

Isang plastic na may lamang mga lobo na wala pang hangin ang iwinasiwas niya sa klase. Kasabay nito ay ipinakita din niya ang pumutok na lobo upang pagkumparahin ang nakuha niya sa estudyanteng lalake na nagbato sa kanila ng lobo na may lamang tubig kahapon.

“At kung sakaling makalusot pa rin kayo sa kalokohang ito ay tiyak na babalik sa inyo ng sampung doble ang mga kalupitang ginawa ninyo kay Elpis. At alam niyo ba kung bakit?”

“Dahil ang kahulugan ng pangalang Elpis ay pag-asa.” isang boses ang nagsalita mula sa loob ng klase. Nagmula iyon mula sa isang babae na nakalugay ang mahabang buhok na kulay amber ang mga mata. Maganda ito tingnan kahit hindi pa maituturing na ganap na isang babae dahil sa murang edad nito.

Natahimik ang buong klase dahil ngayon lang nila nakita ang babaeng iyon. Ngumiti lamang ng palihim sina Katie at Trey habang inaabangan ang susunod na sasabihin ng batang babae na nakaupo sa sulok ng silid.

“Noong unang panahon, may isang kahon na naglalaman ng lahat ng ugali sa buong mundo, mabuti man o masama. Sabi nila, kapag naglabasan ang mga ugaling ito sa kahon ay masisira ang balanse ng mundo na siyang magiging dahilan upang tuluyang magunaw ang sangkatauhan. Ngunit mayruong isang ugali na hindi lumabas sa kahon…”

Tila namangha ang buong klase sa sinabi ng babaeng may mahabang buhok dahil ngayon lang sila nakarinig ng ganung kwento. Kasama rin siya sa mga nakatutok sa pagpapatuloy ng kwento nito.

“Hindi lumabas ang pag-asa sa kahon dahil alam niya ang mangyayari. Bagkus ay naghintay siya sa pagdating ng babae na magsasara ng kahon upang bumalik muli ang mga ugali sa loob nito. Dumating nga ang babae at inalalayan siya ni Zeus, pinaka-makapangyarihan Dios sa Olympus, at naselyuhang muli ang kahon. Kasunod nito ay bumalik ang balanse sa mundo.”

“Talaga lang ha? Eh nasaan na ang kahon, aber?” tanong ni Chloe sa babae na nasa sulok ng kanilang silid. Tila sinusubukan nito ang katalinuhan ng babae.

Ngumiti lamang ang babae. “Nandito sa puso ko. Dahil hindi nawala ang pag-asa na siyang tumulong sa akin upang bumalik ang tiwala ko sa sarili.”

Natahimik naman si Chloe habang pinagtatawanan siya ng mga katropa nito. Palibhasa ay napahiya ito sa sinabi ng babae.

“Hindi mo na kailangang mag-resign sir dahil bumalik na ako sa klase. Bumalik na si Elpis sa class list mo.”

Nagulat na namang muli ang buong klase sa sinabi ng babae. Nagbalik? Papaanong magiging si Elpis ang nasa harapan nila? Ang kilala nilang Elpis ay ang babaeng nakasalamin at naka-ponytail! Hindi ang babaeng may mahabang buhok na nakalugay at may kulay amber na mga mata. Pati ang sampung lalakeng nang-aapi dito ay halos nakabagsak ang mga panga sa sahig.

“Well, you heard that classmates. So wala ng problema. Hindi na mag-re-resign si Sir ha?” pang-aasar ni Trey habang pinaparinggan si Chloe. Kinindatan naman nito si Katie na tuwang-tuwa sa nangyari.

“Meron pang problema.” sambit niya.

“A– ano po?”

“Kailangan mong tapusin ang project na ibibigay ko sa iyo para mapunan mo ang mga pag-absent mo sa klase. Naiintindihan mo ba?”

Ngumiti lamang si Elpis bago siya nito binigyan ng ok sign. Ibig sabihin, kahit anong sabihin niya dito ay tiyak na susundin nito. At nakaisip siya ng magandang proyekto para dito. “Sige sir, kahit ano! Ano ba yun?”

“Kailangan mong i-monitor ang attendance ng sampung kaklase mo upang tumulong sa library bilang mga library assistants. I just received an email na nangangailangan sila ng volunteer ngayon dun at tiyak kong tatanggapin ng head librarian ang lahat ng imumungkahi mo.”

Tumingin sa isa’t-isa ang sampung estudyante na suspek sa pang-aapi kay Elpis. Hindi sila makapaniwala sa sinabi niya. Tiyak ding hindi sila makakatanggi sa sasabihin nito dahil bisto na sila sa kalokohang ginawa nila kay Elpis.

“Kayang-kaya! Mamaya, pagkatapos ng klase, sumunod kayong sampung mokong sa akin at tuturuan ko kayo ng isang magandang leksyon, diba sir?”

“Tama! Now, ituloy na natin ang klase!”

About foobarph

lamp developer. foss apprentice. ink&lens squire

Talakayan

5 thoughts on “Breaktime! – Lesson 2: Pandora’s Box

  1. lagot kau mga mokong..hahaha

    Posted by regino | Nobyembre 16, 2013, 2:22 hapon
  2. Nyahaha. . Sapol!

    Posted by eli | Nobyembre 9, 2013, 8:21 umaga
  3. wagas ka sir flik!!

    Posted by aileen | Oktubre 23, 2013, 10:19 hapon
  4. galing naman..

    Posted by aiza | Nobyembre 26, 2011, 12:26 hapon
  5. nice..

    Posted by aurielle | Oktubre 7, 2011, 10:10 hapon

Ano ang iyong masasabi sa iyong nabasa?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

TOP Calendar

Marso 2011
M T W T F S S
« Feb   Apr »
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
28293031  

Mga Istorya

Aming Nakaraan

%d bloggers like this: