binabasa mo ang...
Finding Rico

Chapter 9: Finding Rico

“LIA? KANINA KA PA D’YAN, sino ba ‘yang tinatawagan mo?” tanong ni Kat sa kaibigan na kanina pa naroon sa labas ng conference room. Ilang sandali na lang ay magsisimula na ang meeting nila. “Lia?”

Pumasok si Lia sa kuwarto kasunod ni Kat. Naroon na ang karamihan sa mga staff nila. Naupo siya kasunod ni Kat. “I can’t reach him since yesterday,” tugon ni Lia habang kinokontak ang numero ni Rico.

“Baka busy,” sabi ni Kat, natatawa. Lia has never been like this to any man, besides Rico. “By the way, how’s your dinner with Roy?” tanong ni Kat nang maalala na kinausap ni Lia si Roy noong Sabado tungkol kay Rico.

“It went well. Better than I expected.” Lia thought it would be difficult for her to tell him the truth. Kaya nagulat rin siya nang wala siyang anumang narinig na kahit ano mula kay Roy.

Alanganing ngumiti si Kat. “T-that’s good news.”

Muling sinubukan ni Lia na i-dial ang number ni Rico. Sa wakas ay nag-ring ito pero bigla ring naputol. Bihira na siyang makatanggap ng tawag mula sa binata nitong mga nakaraang araw at bihira na rin silang magkausap ngayon. “Roy told me something about someone he wants to go out with. Do you know anything about it?” nakangiting tanong ni Lia kay Kat. Malapit din kasi ang dalawa sa isa’t-isa.

Umiling lang si Kat. Ilang sandali pa ay nagsimula na ang meeting kaya hindi na rin nila iyon masyadong napag-usapan.

“GOOD AFTERNOON PO, SAAN PO KAYO?”

“A, good afternoon, gusto ko sanang makausap si Ms. Lia Sebastian,” tugon ni Rico nang pigilan siya ng babae sa information area sa lobby ng malaking building na ‘yon. Iyon ang pangalan ng building kung saan naroon ang opisina ng foundation nina Lia na sinabi sa kanya sa ospital nila. “Saan po ba ‘yung opisinang pinapasukan ni Lia Sebastian?”

Mataman siyang tiningnan ng matangkad na babae’ng iyon. “May appointment po ba kayo sa kanya?” tanong nito.

“Appointment? W-wala e.”

“Naku sir, dapat po kasi may appointment kayo para makapunta sa opisina ni Ma’am. Standard operating procedure lang po.”

Napakunot ng noo si Rico. Bakit kailangan pa niya ng appointment? “Miss, baka naman p’wede kahit sandali lang? Importante kasi. Kahit hintayin ko na lang siya dito.”

Umiling ang babae. “Sorry, hindi po talaga p’wede. Tsaka ang alam ko, nasa lunch meeting si Ma’am ngayon,” sabi nito. May ilan pang bagong dumating at magiliw iyong inasikaso ng babae.

“Miss, alam n’yo ba kung anong oras matatapos ‘yung meeting ni Lia?”

Muling kumunot ang noo ng kausap niya. “Hindi po, sir. Sorry po talaga. Kung gusto n’yo, ibibigay ko sa inyo ang number ng sekretarya ni Ma’am Lia para makapag-set kayo ng appointment.”

Number ng sekretarya ni Lia? Hindi niya alam na may sekretarya pala si Lia. Umiling siya. Kung p’wede lang niyang sabihin dito na may numero siya ni Lia mismo. Ayaw lang niya itong tawagan dahil gusto niyang maging sorpresa ang pagdalaw niyang iyon sa kasintahan.

“Excuse me, hinahanap mo si Lia?” tanong ng isang lalaki sa likod niya. Matangkad ito, maputi at halatang mamahalin ang suot na amerikana. Nakasunod dito ang limang malalaking lalaki na nakabarong, dalawa sa mga ito ay may hawak na radyo. Naulinigan niya mula sa mga babae sa tabi niya na mayor ito ng isang probinsiya.

Alanganing tumango si Rico.

“Bakit mo siya hinahanap?” muli nitong tanong.

“A, gusto ko lang po sana siyang makausap,” sagot ni Rico. “Kilala n’yo po si Lia?”

Sandali itong tumahimik na tila may iniisip. “Y-yeah, I know her. She’s a very good friend of mine,” sabi nito. “And you are?”

Lalong nagulat si Rico nang malaman na kaibigan ni Lia ang Mayor na iyon. Siguro dahil sa mga charity ng foundation nito kaya nagkakaroon ito ng mga ganoong klaseng kaibigan. “A, Rico po, Rico San-”

“San Antonio?” nakangiti nitong tanong. “I’ve been hearing your name for the passed days. You’re the nurse, right?”

Ngumiti na rin si Rico kahit pa nagtataka siya. Medyo nakaluwag ‘yon sa makiramdam niya dahil mayroong nakakakilala sa kanya doon kahit na paano. Iniabot niya ang kamay para makipagkamay dito.

“I’m Roy,” pakilala nito. “Alam ba niyang darating ka ngayon?”

“Hindi po. Biglaan kasi.”

“Gano’n ba, well, go ahead, sa 19th floor ang opisina n’ya.”

Umiling si Rico at tumingin sa babae’ng kausap niya kanina, na nakikinig lang sa usapan nila. “Kailangan ko raw ng appointment bago ko siya makausap.”

Natawa si Roy. “Ako’ng bahala sa’yo,” sabi pa nito sabay tingin sa mga babae doon. Ngumiti lang ang mga ito at tumango, nangangahulugang maaari na siyang umakyat. “I think she’s in a meeting right now, sabihin mo na lang sa secretary niya na hihintayin mo siya.”

Nagpasalamat siya sa binata at tuluyan na rin itong umalis. Nakangiti niyang hinarap ang babae, na nakangiti na rin sa kanya. Binigyan siya nito ng ID kapalit ng ipinaiwan sa kanyang sariling Identification card. “19th floor.”

Bumukas ang elevator sa 19th floor at nabigla siya sa laki at ganda ng lugar na iyon. Malawak ang buong kuwarto at may tatlong magkakahiwalay na receiving area. Magaganda at mamahalin ang mga couch at mesa, gano’n din ang ilan pang dekorasyon doon. May ilang mga tao doon na naghihintay rin, ang iba’y nagbabasa ng magazine, ang iba ay seryosong nag-uusap.

Dahan-dahan siyang lumakad sa makintab na sahig. Nakatingin na sa kanya ang ilan sa mga tao sa lugar na iyon, malamang ay pareho rin ng iniisip niya na baka mali siya ng opisina’ng napuntahan. Sa suot niyang simpleng pulang polo shirt na regalo pa sa kanya ni Lia noong birthday niya at isang lumang maong ay alangang-alangan siya sa napaka-pormal na opisina. Na sa palagay niya ay alangan din para maging opisina ng isang foundation.

“Good afternoon, sir, can I help you?”

Isang maliit na babae ang lumapit sa kanya na may dalang itim na folder. Kagagaling lang nito sa loob ng isang kuwarto na sa tingin niya ay ang opisina ng big boss doon. “Hi, gusto ko sanang makausap si Lia.”

Ang reaksyon nito ay katulad din ng reaksyon ng babae sa lobby kanina. “M-may appointment po ba kayo?”

Hindi na iyon pinagtakhan ni Rico. Inaasahan na niya ang parehong tanong. “Wala.”

“I’m sorry sir pero hindi n’yo po siya makakausap nang walang appointment.”

“Maghihintay na lang ako ng lunch break, ano’ng oras ba ang lunch break n’yo?”

Kumunot ang noo nito. Sinundan siya ng dalaga hanggang sa makaupo siya sa malambot na sofa. “Hindi po dito nagla-lunch si Ma’am. Usually po, sa labas po ang mga lunch meetings n’ya,” sabi nito. “A, sir, alam po ba ni Ma’am na darating kayo?”

Umiling si Rico.

Hindi alam ni Kyla kung ano ang gagawin, kung paano mapapaalis ang binata. Imposible ang gusto nitong mangyari na makausap ang boss niya nang araw na iyon, o sa mga susunod pang araw. Punung-puno ang schedule nito hanggang sa isang linggo. “Sir, sorry po, hindi n’yo po kasi talaga makakausap si Ms. Lia ngayon, may susunod pa po kasi siyang meeting pagkatapos ng meeting niya ngayon.”

Hindi na naiintindihan ni Rico ang mga nangyayari, kung bakit hindi niya p’wedeng makausap ang kasintahan kahit na sa sandaling oras. “Kailan siya p’wedeng kausapin? Ano’ng oras ang tapos ng trabaho n’yo?”

“H-hindi po kasi pare-pareho. Madalas po na inaabot dito ng hatinggabi si Ma’am.”

“Hatinggabi? Anong klase’ng trabaho ba meron kayo rito?” nagtataka niyang tanong. “Tatawagan ko na lang siya, siguro naman p’wede ko s’yang tawagan?”

Umiling si Kyla. “Nasa gitna po siya ng meeting. Hindi po p’wede. Ibigay n’yo na lang po ang pangalan n’yo para po makakuha kayo ng appointment.”

Ilang oras ang ibiniyahe niya at sa totoo lang ay hindi pa siya gaanong nakakapagpahinga. Pagkadating niya sa bahay ng tita niya ay doon agad siya tumuloy para isorpresa si Lia. Ngayon, parang siya yata ang nasosorpresa sa mga nangyayari. Sino ba naman ang mag-aakala na kailangan pa niya’ng magpa-appointment para lang makausap ang kasintahan? “’Di bale na lang. Pakisabi na lang na dumaan si Rico. Rico San Antonio,” sabi niya at tumayo na siya.

Pamilyar ang pangalan na iyon at nang maalala ni Kyla kung bakit iyon pamilyar ay nanlaki ang mga mata niya. Rico San Antonio. Iyon ang pangalan na madalas niyang marinig sa pag-uusap ni Ms. Lia at Ms. Kat. Iyon ang lalaking pinuntahan ni Ms. Lia sa Banaue. Kung hindi siya nagkakamali, iyon ang boyfriend ni Ms. Lia. “Rico? Kayo po si Rico? Bakit hindi n’yo sinabi agad na kayo si Rico?” sunud-sunod nitong tanong. “Sir, pasensiya na po, hindi ko po alam na kayo si Sir Rico. Naku, doon n’yo na po hintayin si Ma’am sa loob ng opisina niya. Baka po magalit sa ‘kin ‘yon kapag dito ko kayo pinaghintay.”

Hinawakan pa siya nito sa braso at halos hatakin papunta sa sinasabi nitong opisina. Ilang hakbang pa ay binuksan na nito ang malaking sliding glass door at nauna itong pumasok. Naiwan siya sa tapat ng pintuan, nakatingin sa magandang opisina’ng iyon.

“Come in, sir. Dito n’yo na po hintayin si Ma’am Lia.”

About pagsintangpururot

dreamer, poet, writer, artist, traveler, believer

Talakayan

4 thoughts on “Chapter 9: Finding Rico

  1. ano ba yan,., lagot ka LIA,., yan kase ayaw pang aminin,., naguguluhan tuloy c fafa RICO
    hehehe

    Posted by zyn | Mayo 18, 2013, 7:59 hapon
  2. ahahahah. .nakakatuwa c rico. .chaqa ung sec ni lia. .
    Eheheh. .bvat xe nde pfa ni lia cnabi ung totoo ei. .cguradu magugulat c lia. . ;;)

    Posted by pazawaiy_1901 | Marso 7, 2012, 9:21 umaga
  3. ang bait naman pala ni roy..

    Posted by babyrock | Pebrero 1, 2009, 1:29 umaga
  4. patay.. lagot si lia.. hahaha..

    Posted by Maki | Agosto 28, 2008, 4:02 umaga

Ano ang iyong masasabi sa iyong nabasa?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

TOP Calendar

Agosto 2008
M T W T F S S
« May   Sep »
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031

Mga Istorya

Aming Nakaraan

%d bloggers like this: