binabasa mo ang...
Finding Rico

Chapter 6: Finding Rico

NANG MAKAPASOK SI LIA SA BAGONG KWARTO NI LOLO MILYO AY GISING NA ITO. Sa unang pagkakataon ay nadatnan niyang gising ang matanda. At sa unang pagkakataon din ay nakangiti ito sa kanya.

“Good morning po, lolo.”

“O, good morning, iha,” bati ng matanda sa kanya. Mas maganda na ang kulay nito kaysa noon at mukhang mas masigla na rin.

“Kumusta na po’ng pakiramdam n’yo?” tanong ni Lia.

“Eto, okay naman. Teka, ikaw ba ay apo ko?” tanong nito.

Ngumiti si Lia at medyo nakahinga nang maluwag. Ibig lang sabihin no’n ay wala pa rin itong naaalala, at hindi siya nito nakikilala. “P-parang gano’n na nga po, lolo.”

Tumangu-tango ang matanda. Nang umayos ito nang uupo ay tinulungan pa ito ni Lia. “Ikaw, kumusta ka naman?”

“Okay naman po,” tugon niya. Iyon din ang unang pagkakataon na kinumusta siya ng matanda. “Nagdala po ako ng mga prutas at biscuits para sa inyo.”

Tiningnan ni lolo Milyo ang dalawang malalaking plastic na nasa side table. “Salamat.”

“A, lolo, may…naaalala na po ba kayo?”

Ilang sandaling nag-isip ang matanda at umiling. “W-wala…wala ako matandaan.”

Ngumiti lang si Lia. “Don’t worry lolo, okay lang ‘yon.”

Habang pinagbabalat ni Lia ng orange si lolo ay nakatingin lang ito sa kanya, nakangiti. Itatanong na sana niya dito kung bakit ito nakangiti nang may biglang kumatok sa pinto at pumasok. Si Rico. At sigurado siyang naroon ito para i-check ang kalagayan ng pasyente at hindi dahil sa kanya.

“Good morning po, lolo. Kumusta?” masaya nitong bati. Hindi tuloy napigilan ni Lia ang mapangiti nang makita ang malalim na dimples ng binata nang ngumiti ito. Kahit pa hindi naging maganda ang pangyayari kagabi, hindi pa rin nito nabago ang nararamdaman niya para sa binata.

“Okay lang…ikaw ba ay apo ko?”

“Nurse n’yo po ako, lolo,” tugon ni Rico. “Ano po’ng nararamdaman n’yo ngayon?”

“Medyo masakit ang ulo ko. Kelan ba ko makakauwi?”

“Hindi pa po natin alam. Pero dapat po, magpagaling kayo para makauwi tayo agad.”

Hindi pa rin naaalis ang magandang ngiti ni Rico at panalangin ni Lia na sana ay palagi itong ganoon. Hinintay niya itong tumingin sa kanya pero patuloy lang ito sa mga routinary questions nito sa pasyente. At naisip niya, kung siya kaya ang pasyente, kausapin kaya siya nito at bigyan ng special treatment?

“Sige po, lolo. Magpahinga kayo nang mabuti. Babalik po ako mamaya para sa gamot n’yo.”

Sinundan nila ng matanda ng tingin ang lumabas na nurse. Hindi man lang siya nito nakuhang batiin ng magandang umaga. Na para bang hindi sila magkasama sa medical mission kahapon.

“O, anong problema?” tanong ni lolo Milyo nang mapansing nakasimangot siya.

“W-wala po.”

Kinuha nito ang nabalatan niyang orange at kumain. “Kakilala mo ba ‘yon?”

“P-po? H-hindi po…hindi po masyado,” sabi niya, umiiling.

“Parang matagal mo na siyang kilala. Kung tingnan mo s’ya kanina, para bang gustong-gusto mo siya.”

Ramdam ni Lia na uminit ang buo niyang mukha. Alam niyang nag-blush s’ya dahil sa sinabi ng matanda. Maraming iling ang itinugon niya.

Malakas na tawa ang marinig ni Lia mula rito na nagpagulat sa kanya. Natawa rin si Lia. Kung bakit iyon nasabi nito ay hindi niya alam. Hindi na lang siya uli nagsalita. Muli niya itong binigyan ng orange at kinuha nito iyon nang nakangiti.

“Nasabi mo na ba sa kanya?” bulong ng matanda na pilit pang inilapit ang mukha sa tainga niya.

“A-ang alin po?” nagtataka niyang tanong.

“Na siya ang dahilan kung bakit ka narito. Na matagal mo na siyang hinahanap.”

Nanlaki ang mga mata ni Lia at bumilis ang pintig ng puso niya. “A-ano po’ng ibig n’yong sabihin?”

“Akala mo ba hindi ko nariririnig ang mga sinasabi mo sa ‘kin? At ang mga kwento mo, tungkol sa kanya, naririnig ko lahat ‘yon,” nakangiti nitong sabi.

Lalong nanlaki ang mga mata ni Lia.

“Sabi mo, kailangan mo ng kaunting tulong ko, hindi ba? Wala akong temporary…ano ba ‘yon? Basta, wala akong gano’ng sakit. Maliwanag ang memorya ko. Alam ko lahat ng nangyayari.”

Hindi makapaniwala si Lia at parang ayaw niyang maniwala. Gusto na niyang lamunin na lang siya ng lupa sa mga oras na iyon dahil sa sobrang kahihiyan.

“’Wag kang mag-alala, mananatiling lihim ang lahat ng ‘yon sa pagitan nating dalawa. Walang sinumang makakaalam.” Hinawakan ni lolo Milyo ang kamay ni Lia na nanlalamig na sa kaba. “Sabihin na nating ganti ko ‘yon sa lahat ng kabutihan mo sa ‘kin. Kahit hindi mo ‘ko kilala, inaalagaan mo ko.”

“H-hindi po kayo galit sa ‘kin?”

“Bakit naman ako magagalit? Nagpapasalamat pa nga ako sa ‘yo. At naiintidihan ko kung bakit kailangan mong gawin ang lahat ng ito. Dahil sa pag-ibig, hindi ba?”

Napangiti na rin si Lia. “Salamat po, lolo,” sabi niya. “Ang galing n’yong artista, ha? Napaniwala n’yo kami na may temporary amnesia kayo.”

“Aba’y, hindi mo naitatanong, dati akong naging artista sa mga pelikula noon nina Gloria Romero at nina Leopoldo Salcedo.”

“Talaga po?”

Lalong gumanda ang ngiti ng matanda dahil marahil sa mga alaalang iyon. Nagsimula na itong magkwento tungkol sa buhay nito bilang ekstra at bilang artista noon sa Sampaguita Pictures. Marami itong binabanggit na mga pangalan ng artista noon na hindi siya pamilyar. Naaliw si Lia sa mga kwento nito, lalo na tungkol sa makulay nitong buhay pag-ibig.

Kaya rin siguro siya nito tinutulungan ngayon, dahil halos kapareho ng pinagdadaanan niya ngayon ang pinagdaanan nito noon. Hinanap nito ang unang nobya na nawalay sa kanya noong panahon ng hapon. Nagpunta rin ito sa kung saan-saan para lang mahanap ang babaeng mahal. At pagkalipas ng halos dalawamput-limang taon ay tsaka lamang sila muling nagtagpo.

Umiling-iling ang matanda nang muling maalala ang nakaraan. “Ilang araw pa lang mula nang ikasal kami ni Liway, namatay na siya sa sakit.”

Malungkot ang kinahinatnan ng buhay pag-ibig ni lolo at sabi nito kay Lia, gusto nitong siya ang magtuloy ng maganda nilang kwento.

“Totoo ang sabi nila. Na ang unang pag-ibig, hindi namamatay. Kahit anong pilit ang gawin mong kalimutan ang unang pag-ibig, babalik at babalik sa’yo ang mga alaala.”

“O, BAKIT GANYAN ANG MUKHA MO? Para kang susugod sa giyera, a.”

Padabog na inilapag ni Lia ang mga dalang pagkain sa side table. Noon lang uli siya nakadama ng sobrang inis sa buong buhay niya. Ang una’y noong makita niya si Rico na may kasayaw na kaklase niya noong JS Prom nila nung third year. At ngayon.

Maraming tao sa nurse station nang dumaan doon si Lia. Maingay ang paligid at pinag-uumpukan ng mga nurse doon ang isang babae’ng nurse din.

“Excuse me, ano’ng meron?” tanong ni Lia sa isang lalaking nurse na napadaan sa harap niya. Tiningnan nito ang itinuro ni Lia, ganoon din ang isa pang babaeng kasama nito, na naalala niyang siya niyang napagtanungan noong unang tapak niya sa ospital.

“A, bumalik na si Ayie. Dati na s’yang nurse dito, na-assign s’ya sa kabilang barrio ng anim na buwan. Kadarating lang niya kanina,” tugon ni Allan.

“Tiyak na matutuwa na si sir Rico ngayong nakabalik na si Ayie,” dugtong pa ng kasama ng binata, si Mayette na siyang napagtanungan niya noon tungkol kay Rico. “Ang alam ko, sila noon ni sir Rico. Mukhang sila pa rin nga hanggang ngayon.”

Parang nabingi si Lia sa narinig. Si Ayie. Sino ang hindi nakakakilala kay Ayie? Ang nurse na kausap ni Rico sa medical mission nang buong maghapon. Kitang-kita nga ni Lia ang napakagandang ngiti at masiglang pagtawa ni Rico habang kausap ang mahinhing binibini. Magkatabi ang mga ito at sa tuwing magtatama ang paningin ng dalawa ay para bang gusto nang mamatay ni Lia.

“Lia, iha?” muling tawag ni lolo sa daslaga nang hindi na ito kumibo.

“Alam n’yo bang may girlfriend si Rico? Ayun, kadarating lang,” galit na sabi ni Lia.

“Baka naman kaibigan lang.”

Umiling si Lia. “Lolo, galing mismo sa mga nurse dito na may relationship sila ng babae’ng ‘yon noon.” Naupo si Lia na masama pa rin ang mukha. Biglang hindi na maganda ang pakiramdam niya. Gusto na niyang umuwi na muna para makapagpalipas ng sama ng loob. Hindi yata niya kayang manatili sa ospital na ‘yon na alam niyang naroon din si Noel at ang ‘girlfriend’ nito.

Napapangiti lang si lolo Milyo sa dalaga. Halata sa mukha nito ang sobrang selos. Nagsimula itong magkuwento ng mga lumang karanasan para kahit kaunti ay mabawasan ang lungkot nito. At kung kailan nakakangiti na ito at nakakatawa ng bahagya ay biglang pumasok sa kwarto si Rico.

“Good morning po, lolo.”

Kapwa napatingin ang dalawa sa bagong dating at bigla ring tumalikod si Lia at nagkunwaring may inayos doon sa drawer.

“Mukha pong araw-araw, sumisigla kayo, a.”

Tumango ang matanda. “Magaling kasing mag-alaga itong si Lia.”

Bahagyang tiningnan ni Rico si Lia na tahimik na nakayuko.

“Balita ko, dumating daw ang nobya mo?” tanong ng matanda. Napatingin si Lia kay lolo, at pagkatapos ay kay Rico. Muli rin itong tumungo.

“N-nobya?”

At para namang nagbiro ang langit dahil biglang lumitaw sa bukas pang pinto ang dalagang pinag-uusapan.

“Rico?” tawag nito. May dala itong folder. “A, pinatatawag ka ni Doc sa opisina n’ya, kailangan ka raw makausap.”

Tumango ang binata at muling nakita ni Lia ang magaganda nitong dimples. Lalo lang nag-init ang ulo niya, lalo na nang pumasok pa ang dalaga sa kwarto at masayang ipinakilala ni Rico.

“A, Ayie, si lolo Milyo, tsaka si…Lia.”

Ngumiti lang si Lia, gano’n din ang matanda. “Magandang umaga, iha.”

“Good morning din po. Kumusta po kayo?”

“Heto, okay na,” sagot ni lolo. “Ikaw, Lia, kumusta ka raw?”

“O-okay lang.”

Tumalikod na uli si Lia habang nagkukwentuhan ang tatlo. Tungkol sa kundisyon ng matanda, tungkol sa pagdating ni Ayie.

“’Yon ba ang nobya mo?” tanong ng matanda nang nauna nang lumabas si Ayie.

Lihim na nakikinig si Lia sa usapan ng dalawa at hinihintay ang isasagot nito. Ngunit natawa lang si Rico at agad na ring nagpaalam. He didn’t confirm nor deny the issue.

And that made Lia more discouraged. Mas maagang nagpaalam si Lia kay lolo Milyo para makapag-isip-isip kung ano pa nga ba ang ginagawa niya sa lugar na iyon.

“Lia!”

Huminto si Lia sa paglalakad at lumingon sa may nurse station. Naroon ang ilang mga nurse na nakilala na niya noon- si Allan, si Mayette, si Doc Mike, si Rico, si Evelyn, at dalawang iba pa. Lumapit sa kanya si Mike.

“M-may dinner para i-welcome ang pagbalik ni Ayie. Sana p’wede kang makasama sa ‘min.”

“Oo nga, Lia,” dugtong ni Ayie na para bang matagal na siya nitong kaibigan. Katabi nito si Rico, na nakangiti lang.

Kung hindi dahil sa ngiting iyon ng binata ay hindi siya sasama sa salu-salo na iyon. Masakit ang ulo niya, masakit ang loob, at masakit sa kanya ang makita si Rico na may kasama-kasamang iba. Mabuti na lamang at medyo masayang kasama ang grupo at maraming kwento ang mga ito.

Sa isang simpleng acoustic bar sila nagpunta, ilang hakbang lang mula sa People’s lodge na tinutuluyan niya. Maganda ang kabuuan nito, very inviting, and very friendly ang tatlong babaeng staff na sumalubong sa kanila. Tumutugtog na ng gitara ang isang lalaki nang dumating sila. Hinila ni Mike ang upuan para sa kanya at pagkatapos ay naupo ito sa kanyang tabi.

Iilan lamang ang tao nang mga oras na iyon. At karamihan ay katulad niyang turista. Maganda ang lugar pero hindi maganda ang pakiramdam niya. Nang matapos silang maka-order ay nakinig na sila sa magandang lumang kanta ng singer.

Nagtatanong si Mike ng mga tipikal na tanong at sinasagot iyon ni Lia ng maiksing sagot. Abala siya sa pagmamasid kina Rico at Ayie na noon ay masayang nagku-kuwentuhan. Ng masaya nitong nakaraan. Pilitin man ni Lia na iiwas ang tingin sa direksiyon ng mga ito ay hindi niya magawa.

“Okay ka lang?’ tanong ni Mike.

Tumango siya. Nagsisimula na silang kumain. Marami ring kuwento ang iba pa nilang kasama, at kahit si Ayie ay paminsan-minsan siyang tinatanong tungkol sa foundation at sa buhay niya sa Maynila. Gusto na sana niyang sabihin dito ang totoo, na siya ang editor-in-chief ng Glitz fashion magazine at hindi niya gusto ang mag-volunteer sa kahit na anong medical mission. Pero siyempre, hindi p’wede.

“Maraming turista’ng gaya mo na dito na tumitira dahil maganda nga raw, mas tahimik. Ikaw, may balak ka bang magtagal dito?” tanong ni Ayie.

“H-hindi ko pa alam. Pero siguro nga, kung may chance, bakit hindi?” nakangiti niyang tugon.

“Nakakatawa, diba?” si Dr. Mike. “’Yung mga taga-Maynila, gustong dito na manirahan. Samantalang maraming taga-dito sa’tin na gustung-gustong bumaba ng Maynila. Katulad n’yang sina Rico at Ayie, matagal nang plano ng mga ‘yan na mag-aral ng pagdu-doktor do’n at sa Maynila na rin mag-practice, hindi ba, Rico?”

Bahagyang ngiti lang ang itinugon ni Rico, na nakatingin kay Lia. Nakasimangot ang dalaga dahil sa narinig.

“Mas marami kasing oportunidad do’n, doc,” sabi naman ni Ayie. “Pero pupunta kami do’n para lang mag-aral. S’yempre, gusto pa rin naming mapagsilbihan ang mga kababayan natin dito.”

Whatever. Kahit pa napaka-noble ng sinabi ni Ayie, hindi pa rin niya ito gusto.

Pilit in-enjoy ni Lia ang gabing iyon. Mabuti na lang at magaling ang singer at doon an lang niya itinuon ang atensiyon. And as she starts to really enjoy the music, Ayie stood up at the stage and started to sing.

Nagpalakpakan ang lahat ng kasama nila, maging ang mga customers na naroon nang magsimulang tumugtog ang gitara ng lalaki. Maging si Lia ay nakipalakpak na rin, kahit pa labag iyon sa kanyang kalooban.

“I have loved you only in my mind…and I know that there will come a time…to feel this feeling I have inside…You’re a hopeless romantic is what they say…falling in and out of love’s just like a play…memorizing each line I still don’t know what to say…what to say…”

Everybody was silent. Everybody was staring at Ayie, listening to her beautiful song. Kahit si Rico ay halatang hangang-hanga sa magandang boses ng dalaga.

At napatingin na lamang ang lahat nang biglang tumayo si Lia at umalis dala ang backpack nito. Hanggang sa makalabas ito ng bar ay nakasunod ang lahat ng mata sa dalaga.

About pagsintangpururot

dreamer, poet, writer, artist, traveler, believer

Talakayan

5 thoughts on “Chapter 6: Finding Rico

  1. aaiiiiiiiyyyyyyyyyyieeeeeeeeeeeeee,., may pa walk-out.x effect pa tong si LIA

    Posted by zyn | Mayo 18, 2013, 6:46 hapon
  2. ang galing’galing ni lolo hahah! . .kakatuwa xa. . .

    Ahmf! . .kainix aman c rico!
    Ahmf! . .pati c ayie. ,

    but i thnk they just friendz but. .naiinix aku to thnk da other way. .if wat lia’s thnking too. .heheh galing ng sumulat. . .itz thrilling!😉

    Posted by pazawaiy_1901 | Marso 6, 2012, 11:20 umaga
  3. hay naku kainis..

    Posted by babyrock | Pebrero 1, 2009, 12:50 umaga
  4. nakkarelate ako sa part na toh…ang galing…thanks po

    Posted by roxanne | Enero 24, 2009, 6:57 umaga
  5. the truth will set u free.. tama diba.. pero dyahe para s part ni lia kc babae siya.

    Posted by Maki | Agosto 22, 2008, 5:58 umaga

Ano ang iyong masasabi sa iyong nabasa?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

TOP Calendar

Agosto 2008
M T W T F S S
« May   Sep »
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031

Mga Istorya

Aming Nakaraan

%d bloggers like this: