binabasa mo ang...
Finding Rico

Chapter 5: Finding Rico

NANATILI SIYA ROON SA VERANDA NG RESTAURANT habang ninanamnan ang malamig na simoy ng hangin matapos makapag-dinner. Buong maghapon na hindi nakita ni Lia si Rico sa ospital, hanggang sa pag-uwi niya. Hindi na rin naman niya ginusto pang manatili doon sa cafeteria at magbakasakali na maadaan ito doon at makausap niya. Ilang beses niya itong nakasalubong pero parang hindi siya nito nakikita. At hindi niya maintindihan kung bakit, samantalang napakaganda ng naging pag-uusap nila kagabi.

Tinawagan niya ang kanyang ama para muling kausapin tungkol sa Foundation nito. Humingi siya ng permiso dito para gamitin ang pangalan ng foundation ng ama para sa balak niyang pagtulong sa medical mission nina Rico, pati na ang pagtulong sa public hospital. At katulad ng inaasahan, hindi naniniwala ang ama sa plano niyang iyon.

“Dad, you used to always tell me to do something worthwhile para naman kahit paano, magka-sense ang buhay ko. Ngayong ginagawa ko na ang gusto mong gawin ko, ayaw mo namang maniwala.”

“Dahil hindi madaling paniwalaan, iha. Bakit bigla-bigla mong naisipan na ma-involve sa foundation?” tanong ni Dr. Sebastian sa anak. Isa itong mahusay na cardiologist. Kadarating lang nito mula sa private hospital na pag-aari rin nito, at mag-isang naghahapunan sa malaki nilang bahay nang tumawag si Lia.

“There are a lot of people who needs help out here. Kung makikita mo lang ‘yung public hospital nila dito, you’d never believe it. And I think the least I could do is share what I have.”

“Lia, is that really you? Whoever you are, what did you do to my daughter?” natatawang biro ng ama.

“Dad naman-“

“Okay, okay. I don’t know why all of a sudden you’re doing these but I’m really glad. I’m proud of you.”

“Thanks…so, maaasahan ko ba ‘yung tulong na hinihingi ko?”

“Of course. Matatanggihan ba naman kita? I’ll inform the foundation about this.”

“Sana this week, maipadala na ‘yung mga gamot.”

“Sure. Magpapadala ako ng staff d’yan para i-check ‘yung ospital na sinasabi mo, para malaman kung ano’ng kailangang equipments.”

Napangiti si Lia sa narinig. “Thanks Dad, I’ll be counting on you.”

She wasn’t mistaken that her father would support her with her plan. He’s always been into helping people, at matagal na siya nitong hinihikayat na maging bahagi ng itinayo nitong foundation noong nasa kolehiyo pa siya. Pero wala sa personalidad ni Lia ang ganoon, ang maging aware sa pangangailangan ng iba. Abala siya sa napakaraming bagay at sadyang wala siyang panahon para makisimpatya sa ibang tao. She believes that she is to do her things and that there are right people who are meant to help. And she’s not simply one of them.

And just as what her father had said, she is not the same Lia as she was just weeks before. Whatever happened to the old Lia, she’d never know. But as far as she’s concerned, mas gusto niya kung ano siya ngayon. In a short span of time, she has become more sensitive and she has learned to appreciate simple things.

“Okay ka naman ba d’yan?” tanong ni Dr. Sebastian.

“Yes, Dad, I’m fine. How’s Mam?”

Napangiti ito sa tanong ng anak. “I haven’t talk to her.”

“I heard her exhibit was very successful, na-congratulate mo na ba s’ya?”

“Not yet. I’ll try to give her a call tomorrow.”

Tumayo si Lia sa upuan para tingnang mabuti ang napakagandang view ng araw. “Do not try. Do it, Dad.”

“Okay, I’ll do it. I’ll call her tomorrow.”

Tumangu-tango si Lia. “And flowers would be a good idea, don’t you think?”

“Lia, I don’t want to make a wrong impression to her.”

“Ano’ng wrong impression? You just want to congratulate her, that’s all. Wala ka namang ibang ibig sabihin, diba, Dad?”

Alam ni Amado na tinutukso na naman siya ng anak. Kahit pa hindi nito sinasabi nang tuwiran, alam niyang gusto pa rin ni Lia na magkabalikan sila ng ina nito. “Okay, I’ll send some daisies.”

“Roses Dad, white roses would be perfect.”

Sumang-ayon na lang si Amado. White roses are her mother’s favorite. “Okay.”

Natatawang tumalikod si Lia para may kunin sa kanyang backpack at halos mabitawan ang hawak na mamahaling cellphone nang makita si Rico na nakatayo sa likod niya. Agad siyang nagpaalam sa ama at mabilis na itinago ang telepono sa bag na nasa ibabaw ng mesa.

“Rico! A-ano’ng ginagawa mo rito?”

“G-good evening,” bati ni Rico na nagulat din sa reaksyon ni Lia. “N-nakalimutan kitang sabihan tungkol bukas…’yung tungkol sa medical mission. K-kung makakasama ka, magkikita-kita sa ospital bukas bago mag-alas siyete ng umaga. Sabay-sabay tayong lahat na pupunta sa kabilang bayan.”

P’wede naman siya nitong tawagan na lang, o i-text. Pero pinuntahan siya ni Rico sa Lodge para lang doon. Lihim siyang natawa. “Okay,” nakangiti niyang sabi.

Hindi maiwasan ni Rico na pagmasdan ang dalaga na nakatayo sa harap niya. Napakaganda nitong tingnan habang palubog ang araw sa likod nito at bahagyang tinatangay ng hangin ang mahabang buhok.

“Siya nga pala, gusto ko sanang ipalipat si lolo sa private room, nagrereklamo siya kapag nag-iingay ‘yung isang pasyente’ng kasama niya. Hindi raw siya makatulog,” sabi ni Lia, para lang may mapag-usapan.

“Ipapaasikaso ko bukas,” simpleng sagot ng binata.

Tahimik lang si Rico at hindi alam ni Lia ay kung sa kanya ito nakatingin o sa palubog na araw sa likuran niya. Hindi niya alam kung ano pang hinihintay nito at bakit hindi pa siya nito yayaing kumain sa labas kung yayayain siya nitong kumain sa labas.

At napaisip si Lia, wala nga ba itong balak na yayain siyang mag-date? Wala man lang ba itong plano na yayain siya kahit para magkape man lang?

She’s used to being asked out by men all the time and it’s not easy for her to stay away from them, specially with the environment of her work. She’s used to having men’s attention and so she’s a bit confused with the way Rico has been treating her. She’s almost convinced that he has no interest in her.

Is he simply shy or she’s merely not his type?

As she looked at him, she nearly had the itch of asking him to go out with her instead. But she just doesn’t know how to.

And now she realized how difficult it is for a man to ask a woman out on a date.

“SORRY, I’M LATE.”

Kahit hindi pa sabihin ni Rico, alam ni Lia na galit ang binata sa kanya. Halos isang oras siyang na-late sa oras ng pinag-usapan at nang dumating siya sa ospital ay nakaalis na ang lahat at tanging si Rico na lang ang nadatnan n’yang nakatayo sa nurse station na naghihintay sa kanya, hindi maipinta ang mukha.

“Sorry, I’m late,” muling sabi ni Lia matapos malakas na isara ni Rico ang pinto ng lumang sasakyan. Ilang sandali pa bago tuluyang umandar ang makina nito.

He didn’t say anything. Alas sais pa lamang ay naroon na sa ospital si Rico dahil ayaw sana niyang paghintayin doon si Lia. Bago mag-alas siyete ay umalis na ang mga kasama nila sa mission at nagpaiwan siya para hintayin si Lia.

“H-hindi ako masyadong nakatulog kagabi. Tinanghali ako ng gising. Sorry talaga.” Sa buong buhay niya ay ngayon lang siya na-late. Kung kailan gusto niyang magpa-impress sa binata, at saka pa siya na-late. Hindi na nga siya dapat tutuloy doon pero naisip niya na magandang oportunidad ‘yon para magkalapit sila ng binata, kahit paano. Tiningnan ni Lia ang binata na seryoso sa pagmamaneho. “Rico?”

“O?”

“Sabi ko, sorry.”

“Okay lang.”

Okay lang pero parang hindi. Lumipas ang ilan pang minuto nang patuloy lang si Rico sa pananahimik. Paminsan-minsan niya itong tinitingnan. Seryoso ito at halatang walang planong makipag-usap. Lumipas pang muli ang isang oras at hindi na nakatiis si Lia na hindi magsalita.

“Malapit na ba tayo?”

Tumango lang si Rico. Pero kalahating oras pa ay binabagtas pa rin nila ang hindi sementadong daan na tila walang hanggan. Habang tumatagal ay pataas nang pataas ang daan at tanging mga bundok lang ang nakikita ni Lia sa paligid. Kalahating oras pa ang lumipas bago niya mamataan nag mangilan-ngilang bahay sa dinadaanan nila.

Sa buong mahigit dalawang oras na biyahe ay wala silang napag-usapan kahit pa gusto ni Lia na magbukas ng kahit anong paksa. Walang kangiti-ngiti si Rico mula sa ospital hanggang sa makarating sila sa maliit na bayan na iyon.

Marami nang tao, lalo na mga bata ang naroon sa basketball court kung saan nila inilunsad ang medical mission. Namamahagi na ng mga libreng gamot ang ilan nilang kasamang volunteers, at pati ang libre’ng check-up ng tatlong doctor, kasama si Dr. Medina. At nang mamataan sila nito na parating ay agad itong lumapit.

“Lia, mabuti nakarating ka,” malakas nitong sabi habang palapit. “Kumusta ang biyahe?”

Malungkot at tahimik, kung p’wede lang sabihin ni Lia. “O-okay lang.”

“Salamat sa tulong na ipinadala ng Foundation n’yo, ha.”

Ngumiti lang si Lia. Dumating na kahapon ang ipinadala niyang pera noong isang linggo para sa medical mission na iyon. “Baka this week dumating na rin ‘yung mga gamot na ipinadala namin.”

“Naku, salamat talaga. Hindi mo alam kung gaano kalaking tulong ‘to para sa mga tao dito.”

Nakikinig lang si Rico sa usapan ng doctor at ni Lia. Hindi rin niya maiwasang tingnan ang dalaga paminsan-minsan dahil napakaganda nito nang araw na iyon, kahit pa simple’ng t-shirt at pantalon lang ang suot nito.

Matapos maipakilala si Lia sa lahat ng volunteers at staff ng ospital ay nagsimula na rin itong tumulong. Nag-assist si Lia sa pag-aayos ng pila ng mga pasyente, at sa pamimigay ng gamot. Pati sa pagbigay ng libreng merienda sa mga tao doon. Naging abala si Rico sa pag-alalay sa mga doctor pero paminsan-minsan ay tinitingnan niya si Lia na tila masaya sa ginagawa, lalo na sa tuwing lalapitan ito ni Dr. Medina at kakausapin. Palagi itong may nakahandang napakagandang ngiti para sa doktor.

“Okay ka lang ba?” tanong ni Mike kay Lia nang lapitan siya nito. Kasalukuyang nagbibigay si Lia ng mga sandwiches at juice sa mga bata.

“Okay lang,” sabi ni Lia. Pansin niya na palagi kasing nakangiti ang mga tao, lalo na ang mga bata kahit pa may mga nararamdamang sakit ang iba sa mga ito. “Nakakatuwa pala ang mga bata dito.”

“Kaya gustong-gusto ko ring pumunta sa mga ganitong lugar. Dahil sa mga batang ‘yan,” sagot ni Doc Mike. “Mahilig ka rin pala sa mga bata.”

Ngumiti lang si Lia at bahagyang tumango. Hindi naman niya p’wedeng sabihin na allergic siya sa mga bata, lalo na sa makukulit na mga bata katulad ng mga naroon. “Oo naman.”

Habang nakikipag-usapan sa doktor o sa kahit kanino mang tao doon ay hindi niya mapigilan ang sarili na hanapin ng kanyang mga mata si Rico. Malayo ito sa kinaroroonan niya kaya hindi rin niya magawa ang planong pakikipag-usap dito.

“S-sino ‘yon?” tanong ni Lia. Isang babae ang tinutukoy niya na kausap ni Rico. Mahaba ang tuwid nitong buhok, medyo kayumanggi ang dalaga’ng iyon. At sa tantiya ni Lia, maliit ito sa kanya ng tatlong pulgada.

“A, si Ayie,” sabi nito. “Nurse rin s’ya sa ospital, na-assign lang s’ya dito ng anim na buwan.”

Si Ayie. Ayon pa sa kwento ni Dr. Mike, malapit daw sa isa’t-isa sina Rico at Ayie. May iba pa itong sinabi pero hindi na masyadong naintindihan ni Lia ang karamihan sa mga ‘yon dahil tinitingnan lang niya si Rico na halatang masaya na muling makita ang mahinhin na dalaga.

“M-matagal na silang magkakilala?” tanong niya habang nagbibigay ng pagkain sa mga bata.

“Oo, magkasabay sila’ng nagtrabaho sa ospital. Mag-aapat na taon na siguro.”

Gusto pa sana niyang magtanong pa pero pinigil niya ang sarili. Ayaw na niyang pag-usapan ang tungkol sa kwentong iyon. Sapat na sa kanya ang makita lang ang dalawa na magkasama.

Nagpatuloy sila sa ginagawa, at lumipas ang mga oras nang hindi nila nalalaman. Halos anim na oras din ang itinagal ng mission at malapit nang magdilim nang isa-isa nang magpaalam ang mga pasyente nila. Nagsisimula nang umambon nang maiayos nila ang lahat ng gamit at makaalis.

Saglit na tiningnan ni Rico ang dalaga na halatang napagod sa medical mission. Pakiramdam nga niya ay parang iyon ang unang pagkakataon na nakaranas si Lia ng ganoon. Sa tingin din niya ay hindi ito sanay sa mga ganoong gawain. Sa itsura ni Lia, para bang hindi ito sanay sa hirap at sa totoo lang ay hindi madaling paniwalaan na kasali ito sa isang foundation at tumutulong sa mahihirap.

Si Lia, sa tingin niya, ay ang tipo ng babaeng mula sa mayamang pamilya. Malamang ay wala itong ginagawa, maraming katulong at alalay, at nakukuha ang lahat ng gustuhin. Sa puti at kinis ng balat nito, sa palagay niya ay sanay ito sa kuwartong air-conditioned at hindi ito madalas masinagan ng araw. At hindi niya alam kung ano ang ginagawa ng isang katulad ni Lia sa isang lugar na katulad ng sa kanila.

Muli niyang tinapunan ng tingin ang dalaga na noon ay pilit pinanlalabanan ang antok. Sunud-sunod ang paghikab nito at malapit na ring pumikit ang mga mata. Lihim siyang natawa. Kanina lamang ay puno ito ng sigla.

Huli silang umalis sa lugar dahil kinausap pa niya si Ayie na matagal rin niyang hindi nakita. Anim na buwan, naisip niya. Ganoon na palang katagal mula nang huli silang nagkasama sa ospital.

Wala sa sariling napailing si Rico at muling tiningnan si Lia. Hindi niya alam kung bakit pero nagiging habit na yata niya ang lingunin ito at tingnan. Isinara nito ang bintana dahil sa kaunting ambon na pumapasok sa sasakyan. Madilim na sa buong paligid at hindi na rin nila matanaw ang mga kasama nilang sasakyan na halos tatlumpung minuto nang nauna sa kanila.

Nagulat pa nga si Rico nang makita si Lia na nakaupo at naghihintay sa loob ng kanyang kotse. Inaasahan niya na kay Dr. Mike ito makikisabay. Gusto sana niyang itanong kung bakit pa siya hinintay nito pero hindi na siya nagkalakas ng loob.

“Rico?”

“O?” gulat niyang tanong. Akala niya ay natutulog na ang dalaga.

“M-may problema ka ba sa ‘kin?” tanong ni Lia. Hindi maikakaila na iniiwasan siyang kausapin ng binata. Kung bakit ay hindi niya alam. Masaya ito at masigla kapag iba ang kausap, lalo na kapag ang babae’ng nurse na iyon. Pero kapag siya na lamang ang kaharap ni Rico ay para na itong pipi sa sobrang tahimik, at parang bingi na walang naririnig. “M-may nagawa ba ‘ko sa’yo na hindi mo nagustuhan?”

Umiling lang si Rico na sa daan lang nakatingin. Ano bang klase’ng tanong ‘yon?

“Hindi naman ako manhid para hindi ko maramdaman na iniiwasan mo ‘ko. Kinakausap mo ang lahat, nakikipagtawanan ka sa lahat pero kapag tayo na lang, parang wala ako…parang hindi ako nag-e-exist,” mahinang sabi ni Lia. “Galit ka ba sa’kin? Para kasing-”

“Una sa lahat, hindi ako galit sa’yo dahil wala naman akong karapatan para magalit sa’yo, diba? Pangalawa, wala naman siguro akong obligasyon na kausapin ka’t palagi kang pansinin.”

Nagulat si Lia sa nakuhang sagot mula kay Rico. Mas mabuti pa nga yata sana na hindi na siya nagtanong. “H-hindi ‘yon ang ibig kong sabihin-“

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

Umiling si Lia at hindi na nakipagtalo pa. Alam niyang wala ring patutunguhan ang usapang iyon. Sana nga pakiramdam lang niya ang lahat. Pero hindi. Alam niyang hindi.

“A-ano’ng nangyari?” tanong ni Lia. Nang paliko na sila sa bahaging iyon ng lugar ay biglang huminto ang sasakyan.

And as what she had expected, para lang niyang tinanong ang sarili dahil wala siyang nakuhang sagot mula sa kasama. Bumaba ito ng kotse nang walang sinasabi at binuksan ang hood. Inilawan nito ng dalang flashlight ang makina at matagal na tiningnan iyon.

Bumaba rin si Lia at sumunod kay Rico. Nagmasid siya sa ginagawa nitong pagkumpuni ng kung ano. Hindi naman siya makapag-alok ng tulong dahil wala naman siyang alam tungkol sa mga ganoong bagay. “Ano’ng problema?” muli niyang tanong, nagbabakasakali na sumagot na ito sa pagkakataong iyon.

“Wala nang gas,” simple nitong tugon.

“Ano?! Ano’ng wala nang gas?” iritable niyang tanong. Ayaw niyang magalit pero hindi niya iyon napigilan dahil sa hindi magandang pangyayari nang buong araw. Tumingin siya sa paligid at wala siyang makita kundi dilim. Buwan lang yata ang maliwanag na natatakpan pa ng maitim na ulap. Katulad iyon ng mga napapanood niya sa mga horror movies at hindi niya iyon gusto. “Hindi mo ba siniguro na full tank ‘tong kotse mo bago tayo umalis? Pa’no tayo ngayon? May gas station ba’ng malapit dito?”

Padabog na isinara ni Rico ang hood nito na nagpagulat kay Lia. Wala itong sinabi at medyo dumistansiya sa kanya. Tumalikod ito sa kanya at tumingin sa malayo, doon sa ibaba kung saan may mangilan-ngilang ilaw mula sa maliliit na bayan.

“Tatawagan ko si Doc Mike,” sabi ni Lia at bumalik sa kotse. Binuksan niya ang pinto at kinuha ang cellphone mula sa bag. Magda-dial pa lang siya ng numero nang magsalita si Rico.

“Walang signal dito.”

Muling ibinalik ni Lia ang telepono sa loob. Malapit na siyang mag-panic. Napakalayo nila sa kabihasnan at walang paraan para may makakita sa kanila sa lugar na iyon. Malapit na siyang mag-panic pero naroon lang si Rico, nakatayo at nakatingin sa kawalan na para bang isa lang iyo’ng ordinaryong araw.

“Ano’ng gagawin natin?”tanong ni Lia nang pumasok sa loob ng kotse si Rico.

“Maghihintay,” kalmado nitong tugon.

“Maghihintay? Ng ano?”

“Na may dumaan para makahingi ng tulong.”

Napailing si Lia. Gaano ito kasigurado na may dadaan doon sa ganoong oras ng gabi? At nang magsimulang lumakas ang ulan ay gusto na ni Lia’ng sumigaw.

“Sa tingin mo ba, may dadaang sasakyan dito sa ganitong oras?”

“Wala.”

Pinilit ni Lia na maging kalmado at pilit ipinagpasa-diyos ang lahat. Huminga siya ng malalim at tumingin na lang sa labas. Inisip na lang niya na blessing in disguise ang pangyayari para magkasama sila ni Rico nang matagal, nang silang dalawa lang. Inisip na lang niya na isa iyong romantic getaway. Tutal, isa naman talaga iyon sa mga pinapangarap niya, ang ma-stranded kasama si Rico.

“Dapat kasi sumabay ka na lang kay Doc. Hindi ko naman sinabi sa’yo na hintayin mo pa ‘ko. E di sana pauwi ka na ngayon.”

Humarap si Lia sa binata at kumunot ang noo niya. “Dapat rin, sinabi mo na magtatagal ka sa pakikipag-usap sa babae’ng ‘yon para hindi na nga kita hinintay. Sana nga dun ka na natulog.”

Humarap din si Rico sa kanya, anyong gulat. “Ano’ng ibig mong sabihin?”

She has never been frustrated in her life. She knows she doesn’t have any right to feel what she’s feeling at that certain moment but she couldn’t deny that fact. That she’s jealous. Crazy jealous. At sa lahat ng ginagawa niya para lang kay Rico, naisip niya kung gaano ito kamanhid. Hindi tuloy niya napigilan ang sarili na sabihin ang nararamdaman.

“You are the most insensitive person I’ve ever met.”

Nagulat si Rico sa sinabi ng dalaga at wala siyang nasabi. Nagulat na lamang siya nang biglang binuksan ng dalaga ang pinto ng kotse at dali-daling lumabas kahit umaambon pa. “Lia!”

Hindi iyon pinansin ni Lia at tuluy-tuloy na naglakad hanggang sa makarating sa maliit na parang waiting shed na gawa sa kahoy at pawid. Naupo siya doon sa upuang gawa rin sa kahoy at humarap sa malawak na rice terraces. Wala siyang masyadong makita, ramdam niya ang malamig na hangin.

“Ano’ng ibig mo’ng sabihin na insensitive ako?” tanong ni Rico. Nasa harap na niya ito.

“Bakit hindi mo tanungin ang sarili mo?” Kahit anong pilit ni Lia ay hindi niya kayang pigilan ang pagkainis.

Bahagyang natawa si Rico na nagpagulat sa dalaga. Kung bakit kailan siya galit na galit ay tsaka pa nito ipapakita ang mapakagandang ngiti. “Tapatin mo nga ako, Lia…may gusto ka ba sa’kin?”

“E-excuse me?” gulat na tanong ni Lia. Kahit alam ng buong mundo ang katotohanang iyon ay hindi pa rin niya inaasahan na magtatanong si Rico nang gano’n.

“Pakiramdam ko may gusto ka sa ‘kin, masyado ka kasing mabait sa’kin, pati sa pamilya ko na hindi ko alam kung bakit. Tapos ngayon, parang nagseselos ka kay Ayie.”

Tumalikod si Lia at tumingin sa kabilang dako ng tanawin. He wasn’t insensitive after all. He’s just so full of himself. Na hindi na rin nakapagtataka. Rico has been popular with the girls eversince. And Lia thinks that nothing has really changed.

Nanatili lang na naghintay ng sagot si Rico. Inaasahan niya ang galit nitong pagsalungat pero tahimik lang si Lia.

“H-hanggang kailan tayo dito?” tanong niya sa halip na sagutin iyon.

Nang hindi sinagot ni Lia ang tanong niya, alam niyang wala itong planong pag-usapan pa ang tungkol do’n. At wala rin naman siyang planong pilitin ito. “M-mga ilang oras.”

Ilang oras kaya ang dapat nilang hintayin? Tatlo? Apat? Tumingin si Lia sa suot na relo at pilit inaninag ang oras. Alas-otso na ng gabi. Hanggang kailan nila kailangang maghintay? Kung masaya sanang kausap ang kasama niya, wala siyang magiging problema. Lilipas ang oras na marami silang maaaring mapag-usapan at lilipas ang oras nang hindi nila namamalayan. Pero dahil sa si Rico ang kasama niya, ang isang oras ay parang isang daang taon.

Nabilang na yata ni Lia ang lahat ng bituin sa langit nang may marinig siyang sasakyan na paparating. Agad siyang tumayo at tiningnan iyon. Pinara iyon ni Rico at sandaling kinausap ang driver ng malaking jeep. Bumaba iyon at may ibinigay na gallon kay Rico.

Mabilis na lumapit sa mga ito si Lia. Nakangiti ang medyo may edad nang lalaki sa kanya nang magpasalamat si Rico.

Pareho silang walang imik nang ihatid niya ito sa tinutuluyan at mag-aalas-onse na ng gabi nang makauwi siya ng bahay. Tulog na nang mga oras na iyon ang kanyang ina at si Abby. Nadatnan niyang nagkakape ang ama doon sa terrace. Nagmano siya rito at tinabihan sa pagkakatayo.

“Bakit po gising pa kayo?”

“Hinihintay kita,” sagot nito. Umuusok ang hawak nitong tasa ng kape. “Bakit ngayon ka lang?”

“Nawalan po ng gas ‘yung kotse. Nag-antay pa kami na may dumaang sasakyan para makahingi ng tulong.”

Napailing si Mang Ricardo. Hindi lang kasi iyon ang unang pagkakataon na mangyari ang ganoon sa kanyang anak dahil sa lumang kotse nito. “Kumusta’ng medical mission?”

“Okay naman po.”

“Nakasama ba si Lia?”

Tiningnan ni Rico ang ama dahil hindi niya inaasahan ang ganoong tanong mula rito. “O-opo. Bakit n’yo naitanong?”

Umiling si Mang Ricardo na nanatiling nakatingin sa labas. “Maganda siya, ‘no?”

“Ano’ng ibig n’yong sabihin?” natatawang tanong ni Rico, kahit pa parang alam na niya ang ibig nitong sabihin.

“Wala, gusto ko lang sabihin na maganda si Lia. Hindi ba?”

Hindi na iyon kailangang itanong ng ama. Kahit sino naman siguro ang makakita kay Lia, magagandahan dito. “Bakit ‘tay, type n’yo?”

Ngumiti ito at tumingin sa kausap. “Ikaw, type mo?”

Ngumiti lang din si Rico. Kilalang-kilala talaga siya ng ama. Alam na alam nito ang tipo niya sa babae. Umiling siya.

“O, bakit? Maganda s’ya, mabait, masayahin.”

Kinuha ni Rico ang hawak nitong kape at uminom nang kaunti. Agad din nito iyo’ng ibinalik. “Sa tingin ko, masyado s’yang maganda.”

“O, e masyado ka rin namang guwapo,” sabi nito, na nagpatawa kay Rico. “Ano’ng problema?”

“’Tay, taga-Maynila po ‘yon.”

“O, ano naman ngayon? Mukha namang wiling-wili s’ya dito sa ‘tin. Malay mo, magtagal s’ya rito, baka dito na s’ya tumira.”

“Imposible po ‘yon. May trabaho po ‘yon sa Maynila, naro’n po ang buhay niya,” sabi ni Rico. Naupo ito sa upuang kahoy sa tabi ng ama.

“E di ikaw ang magpunta sa Maynila.”

Muling natawa si Rico. Para namang gano’n lang ‘yon kadali. At hindi niya alam kung bakit nila pinag-uusapan ang tungkol do’n.

“Mag-aaral ka ng pagdu-doktor, hindi ba?”

“Talagang gusto n’yo na ‘kong umalis dito, ‘no?” nakangiti niyang tanong sa ama. Ilang beses na rin kasi nilang napag-usapan ang tungkol do’n.

“Ang gusto ko lang, magawa mo ang gusto mo. Sinabi na namin sa’yo ng nanay na mas mabuti’ng bumaba ka ng Maynila. Huwag mong ipagpaliban ang pangarap mo dahil lang sa isang bagay na-“

“Gusto ko lang naman pong makaipon bago mag-aral ulit. Ayoko namang iasa sa inyo pati pagdo-doktor ko.”

Tumangu-tango si Mang Ricardo. “Basta kapag tuluyan nang bumalik ng Maynila si Lia, ‘wag ka nang magdalawang-isip, sundan mo na, ha?”

Hindi alam ni Rico kung bakit isinasama ng ama sa usapan si Lia. “Sabi ko naman sa inyo, ayoko ng problema sa buhay.”

Napatingin si Mang Ricardo sa anak. “Rico, hanggang ngayon ba naman? Aba’y magta-tatlong taon na yata, a? Hanggang ngayon ba-“

“’Tay, ayoko na po’ng pag-usapan,” matigas na sabi ni Rico. “Pumasok na po tayo sa loob, malamig na dito.”

“Ang sinasabi ko lang, minsan lang darating sa buhay ang ganyang pagkakataon. At ayokong magsisi ka sa huli dahil lang sa natakot ka.”

About pagsintangpururot

dreamer, poet, writer, artist, traveler, believer

Talakayan

9 thoughts on “Chapter 5: Finding Rico

  1. ano ba yan RICO,.,manhid mo naman,., sige ka baka magtampo yan,., ayaw ka na nyang makita!
    jajajaja

    Posted by zyn | Mayo 18, 2013, 7:32 hapon
  2. hahah!ang cute ng moment nila. . .nakz! natarayan mu din c rico 4 da fistym lia!. .heheh

    OM!. .wat happened 3 yearz later???. .

    Posted by pazawaiy_1901 | Marso 6, 2012, 9:01 umaga
  3. the pride of a man ang hirap ibaba,, prang mas complicated kpag babae ang mayaman tas ung guy ang mahirap…

    Posted by bainisah | Enero 7, 2011, 11:16 hapon
  4. anu ba kasi ang nakaraan ng Rico na yan…KJ mo rico…grrrrr..

    Posted by Ranie Lyn | Disyembre 15, 2010, 8:24 umaga
  5. ano kaya ang nakaraan ni rico???? heartbroken??? hehehe….
    well.. i will just find out on the next chapter tomorrow cuz it’s already late…. tulog na me…. zzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzzZzzzZzZZzzzZzZzZ!!!!!!!!!!

    Posted by micole_seno | Setyembre 15, 2010, 10:55 hapon
  6. kawawa naman c lia.

    Posted by babyrock | Pebrero 1, 2009, 12:37 umaga
  7. exactly. you can do anything even the impossible for the one you love…

    Posted by cecilia | Agosto 22, 2008, 11:41 hapon
  8. mahirap talaga ma in love.. you’ll do anything for it..

    Posted by Maki | Agosto 21, 2008, 4:41 umaga
  9. exciting.. kelan ko kaya makikilala ung lia n para sakin..

    Posted by Maki | Agosto 21, 2008, 4:39 umaga

Ano ang iyong masasabi sa iyong nabasa?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

TOP Calendar

Agosto 2008
M T W T F S S
« May   Sep »
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031

Mga Istorya

Aming Nakaraan

%d bloggers like this: