binabasa mo ang...
Finding Rico

Chapter 2: Finding Rico

PAGKARAAN NG MAHABANG PAG-IISIP, PUMASOK SI LIA SA LOOB NG OSPITAL, tumingin-tingin siya sa paligid. May ilang mga pasyente ang naghihintay sa receiving area, may ilang mga nurse na nagkukwentuhan sa nurse station at nang may dumating na isang babae’ng manganganak ay dali-daling bumilis ang galaw ng lahat ng tao roon.

Kahit kailan ay hindi niya gusto ang amoy ng ospital at ang kabuuan nito. Kahit sa private hospital na pinagtatrabahuhan ng ama ay madalang siyang pumunta dahil hindi niya kaya ang magtagal sa ganoong klase’ng lugar. Hospitals seem to be a very depressing place for her and she wants to stay away from its negative energy as much as possible. Kaya ngayon ay hindi niya alam kung bakit siya naroon ngayon sa loob ng isang pampublikong ospital, sa gitna ng napakaraming mikrobyo at negatibong enerhiya.

Ibang-iba ang kapaligiran ng ospital na ‘yon sa mga nakasanayan niyang ospital. Maliit ang lugar, luma ang mga kagamitan at halatang kulang ang mga pasilidad, maging ang mga tauhan ng ospital para sa mga pasyente.

Umakyat siya sa second floor at pasimpleng tiningnan ang bawat kuwarto, ang bawat pasyente, at ang bawat taong nakaputi na makakasalubong niya. Hindi niya pansin na pinagtitinginan na siya doon, at may ilang nurse na siya ang pinag-uusapan.

And what if all of a sudden she bumps into Rico? Hindi niya alam kung ano’ng magiging reaksyon niya. Maybe she’d smile at him and say hello. And probably chat a little. Then ask him to have coffee maybe. Or better yet, he might recognize her from high school.

“Excuse me, m-may hinahanap kayo?”

Nang lingunin iyon ni Lia ay muntik na siyang mapasigaw. Inayos niya agad ang suot na sunglasses. Tiningala niya ito at natulala lang siya pagkatapos.

“May hinahanap kayo?” muling tanong ni Rico sa dalaga. Tila ito gulat na gulat pagkakita sa kanya na hindi niya maintindihan kung bakit.

Nanatili lang na nakatingin si Lia sa kaharap. She’s too overwhelmed to do anything, or to say anything. It was the first time in so many years for her to see Rico, face to face, just inches away from her.

“M-miss?”

“H-ha?” She just looked at him, hoping that he’ll recognize her in one way or another. She actually was hopeful of him to remember her, which was a crazy thing to do. “A…w-wala,” sagot ni Lia, umiiling. Kung hindi pa say nabangga ng isa pang nurse ay hindi pa matitinag si Lia sa kinatatayuan. “M-may dinalaw lang akong k-kaibigan dito sa room.”

Tiningnan ni Rico ang itinurong kuwarto ni Lia sa likod nito. Ward iyon na may apat na kama at iisa pa lamang ang pasyente. “Gano’n ba, para kasing may hinahanap kayo.”

“W-wala, dinalaw ko lang ‘yung kaibigan ko.”

“Sige.” Tiningnan nito ang hawak na folder at muling tumingin sa kanya. “Kailangan ko lang i-check ‘yung pasyente kung okay lang sa’yo,” sabi nito sa kanya nang hindi siya umalis sa kinatatayuan sa harap ng pintuan. “Ako ang attending nurse ng kaibigan mo.”

Walang iba pang nagawa si Lia kundi ang bigyang daan ang binata. Wala rin siyang nagawa kundi sundan ito hanggang sa loob ng maliit na kuwarto’ng iyon. After all, ‘kaibigan’ niya ang pasyente sa kuwarto.

“Simula nang dalhin siya rito kahapon, wala pang dumadalaw sa kanya. Mabuti ngayon, may bisita siya.”
Tinanggal ni Lia ang suot na salamin nang makita ang nag-iisang matandang lalaki na nakahiga sa unang kama. Tulog na tulog ang matanda, nakakumot hanggang dibdib at may nakakabit na dextrose sa braso. Tantiya niya, mga anim hanggang pitumpung taong gulang ito. Maputi na ang lahat ng buhok nito.

Tiningnan ni Rico ang dextrose ng pasyente at may isinulat na kung ano sa dalang information sheet. “Sabi nung nagdala sa kanya, nakita na lang daw si lolo na walang malay malapit sa palengke. Nagka-mild stroke siya, medyo mahina na rin ang puso pero stable na siya ngayon.”

Bahagyang lumapit si Lia sa matanda, at muli ring lumayo.

“Kailangan lang ng pahinga ni lolo, ilang araw lang p’wede na siyang umuwi.”

Umuwi saan, hindi niya alam. At hindi na niya iyon inalam pa. Tapos na sa ginagawa si Rico at handa na itong umalis. “A, k-kailangan ko na ring umuwi.”

“Hindi mo ba muna siya hihintayin na magising?” tanong ni Rico. “Sigurado’ng matutuwa siya kapag nalaman na may bumisita sa kanya. Matagal na kayong hindi nagkikita, diba?”

“A, m-may kailangan pa kasi akong asikasuhin, babalik na lang siguro ako…bukas.”

“Sige. Siguro, kailangan mo ring makausap bukas si Dr. Medina tungkol sa kondisyon ni lolo.”

Tumangu-tango lang si Lia habang pinagmamasdan ang kaharap. Iba’ng-iba na ang itsura ng binata mula nang huli niya itong makita. He’s more goodlooking, more charming than ever before. Masarap ring pakinggan ang maganda nitong boses.

At hindi malaman ni Rico kung bakit gano’n na lang kung tingnan siya ng dalaga, na para bang masaya ito na makita siya. Hindi niya alam kung matatawa siya rito dahil kahit hindi pa sabihin, halatang may kahulugan ang mga titig ng dalaga sa kanya.

Pinauna siyang lumabas ni Rico sa kuwarto at sinabayan siya nito sa paglalakad. At habang naglalakad ay abot ang kaba ni Lia dahil hindi pa rin siya makapaniwala na nakita na niya si Rico, nakausap, at ngayon ay kasabay pa niya sa paglalakad.

Nang huminto sila sa harap ng Nurse Station sa ground floor, alam ni Lia na kailangan na niyang magpaalam. Ayaw man niya, kailangan na niyang umalis. Dahil wala na naman siyang iba pang dahilan para magtagal pa roon. “S-salamat.”

Ngumiti lang at tumango si Rico at hindi na niya ito nakaringgan ng anumang salita dahil may tumawag ritong isa pang nurse sa di kalayuan.

LUMABAS SI LIA NG OSPITAL AT MULING NAGTUNGO SA CAFETERIA SA HARAP NG GUSALI. Nginitian siya ng matandang naroon sa tindahan na tila matagal na siya nitong kakilala. Bumili siya ng merienda at naupo sa kanina niyang inupuan. Nagsimula siyang magbasa ng dalang magazine habang naghihintay ng oras, naghihintay ng muling paglabas ni Rico sa ospital. Hindi niya alam kung bakit pero gusto niya itong hintayin.

Napailing siya nang muling maalala ang nangyari kanina. Matagal niyang hinintay ang pagkikita nila ni Rico pero nang nangyari iyon ay hindi niya alam ang gagawin. And she thinks, she acted like a fool in front of him, pretending to be someone she’s not.

She looked like a fool. Which was very strange. Lia is known to be a very smart, strong-willed young woman. She always knows what do in almost everything. And to look like a fool is simply out of her style. She feels like she’s in high school again, trying to deal with peer pressure, trying to gain self-confidence, trying to impress someone dear to her. Someone like Rico.

Parang bumabalik lahat sa kanya, simula noong unang pagkakataon na makita niya si Rico sa gym ng eskuwelahan habang nagpa-practice ng basketball. They were at the same year in high school though they have different sets of friends. Si Rico ang isa sa mga hinahangaang estudyante noon, isa sa mga palaging representative ng school sa mga sport competitions. Palagi itong team captain ng basketball team, o ng volleyball team, o kahit ano pang team na salihan nito. Ito rin ang colonel nila noon sa CAT, kaya naman maraming babae ang humahanga rito.

Rico was indeed a very popular student in their whole school. And Lia was just one of the many girls who were crazy over him.

She used to be very shy and very simple, a very ordinary student compared to Rico. She didn’t even consider herself beautiful back then and she didn’t have the confidence and the striking appeal that she has now. Kaya naman hanggang tingin lang siya kay Rico, at sa buong apat na taon nila sa high school ay hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan man lang ito at kausapin. Hanggang anonymous cards at gifts lang ang kaya niyang gawin noon.

But there was this one time that she would never forget and still think about until now. A time when she had the chance to look at him closely and talk to him.

Nasa third year high school sila noon, at malakas ang bagyo. Sinuspinde ang klase nila noon sa hapon pero huli na nang malaman niya. Nag-uwian na ang halos lahat ng mga estudyante maliban sa ilang katulad niyang wala sundo at walang payong. Dala ang kanyang bag at ilang medyo basa nang libro ay nanatili siyang nakatayo roon sa harap ng kanilang kuwarto habang naghihintay ng himala ng pagtila ng ulan, o ng sinumang knight-in-shining-armor na magliligtas sa kanya sa kamalasa’ng iyon.

Hindi siya madasaling tao pero nang mga sandaling iyon ay ilang santo na yata ang natawag niya. Ilang aba ginoong maria na rin ang nadasal niya. Madilim ang buong paligid at malakas na malakas ang pagbuhos ng ulan. At sa gitna ng kanyang pagdarasal, nakita niya ng siang bayaning magliligtas sa kaawa-awa niyang kondisyong iyon.

Nakita niyang mabilis na tumatakbo si Rico palapit sa direksyon niya, hawak ang malaking itim na payong na pilit nitong inilalaban sa malakas na hampas ng hangin. Basang-basa na ito nang makarating sa kanya.

“Miss, okay ka lang?”

Para siyang natuklaw ng ahas at tinitigan lang ang binata sa harap niya. “A…”

“Suspended ang classes, bakit ka pa pumasok?” tanong nito sa kanya.

Gusto niyang itanong ang parehong tanong dahil katulad rin niya itong naka-uniform at pumasok kahit pa nga suspendido ang klase. Pero walang lumabas na salita sa bibig niya.

“Halika, ihahatid kita sa may gate.”

Hinayaan lang ni Lia na kunin nito ang dala niyang mga libro at bag, kahit pa sa tingin niya ay hindi naman iyon kailangan. Tiningnan lang niya ito nang muli nitong buksan ang malaking payong at inilapit sa kanya. Narinig pa niya itong bumilang ng isa hanggang tatlo bago siya nito halos hatakin palayo.

Medyo malayu-layo rin ang nilakad nila at pareho na silang basang-basa bago marating ang main gate ng eskuwelahan.

“T-thank you,” nahihiyang sabi ni Lia nang naroon na sila sa guard house kung saan mayroong bubong na masisilungan. Isinara na ni Rico ang malaking payong at isinandal iyon sa pader. Kukunin na sana ni Lia ang mga gamit pero inilayo iyon ni Rico.

“Hintayin natin ang sundo mo. Susunduin ka naman siguro?” tanong nito.

Tumango siya. Pero hindi niya alam kung gaano katagal pa nila kailangang maghintay do’n. “A-ako na lang ang maghihintay, okay lang.”

Ngumiti si Rico. “Sasamahan na kita. Hindi pa rin naman ako makakauwi.”

Ilang minuto silang nanatili sa maliit na silungan, paminsan-minsang nagtatama ang kanilang mga balikat. Paminsan-minsang nililingon ni Lia ang binata na nakatingin lang sa langit na para bang dinarasal na huminto na ang ulan.

At kabaligtaran no’n ang gustong mangyari ni Lia. Parang ayaw na niyang tumila ang ulan at magpatuloy lang ito sa buong magdamag, hanggang kinabukasan. Lihim niyang dinarasal na sana ay tumagal pa sila sa ganoong sitwasyon ni Rico.

“Basa’ng-basa ka,” sabi nito sa kanya at iniabot nito ang isang panyo. “Baka magkasakit ka n’yan.”

Atubili iyong kinuha ni Lia at ipinamunas sa mukha at sa braso at nagpasalamat. Muli lang itong ngumiti sa kanya. Sa mga oras na ‘yon, wala siyang anumang maisip kundi ang pakiramdam ng katabi niya si Rico. At lalo lang nadagdagan ang nararamdaman niya para rito.

Hanggang ngayon. Hawak ni Lia ang puting panyo na ipinahiram sa kanya ni Rico almost ten years ago. Dala niya iyon kahit saan siya magpunta, at naging parte na ‘yon ng kanyang buhay. Simula noon, hanggang ngayon.

At sa tingin niya, ang malakas na bagyong iyon ang pinakamaganda at pinakamakulay na bagyong dumaan sa buhay niya.

Tiningnan ni Lia ang matanda sa cafeteria, na nakangiti pa rin. Nginitian lang niya ito at ipinagpatuloy niya ang pagbabasa ng magazine. Marami ang haharapin niyang trabaho pagbalik niya sa opisina sa Lunes at ngayon pa lang ay parang ayaw na niyang isipin ang tungkol do’n. Tumingin siya sa relo nang mapansing marami-raming tao ang dumarating sa cafeteria. May ilang mga estudyante at ilang mga empleyado. At nagulat siya nang may isang batang babae na naupo sa bakanteng upuan sa mesa niya. Inilapag nito ang dalang bag sa mesa at tumingin lang sa kanya, at sa binabasa niyang magazine. Nakasuot ito ng high school uniform. Nakatirintas ang mahaba nitong buhok, nakasalamin.

“Hi, ate. P’wede pong mahiram ‘yung isa?” nakangiti nitong tanong, itinuro ang isa pang magazine na naroon sa mesa.

Lumaki ang ngiti nito nang tumango siya bilang pagsang-ayon at kinuha ang fashion magazine. “Thank you, ate. Ako po si Abby. Kayo, ano’ng pangalan n’yo?” masaya nitong tanong na tila aliw na aliw sa pagkakakilala sa kanya.

“Lia,” nakangiti rin niyang sabi. Napansin niya agad ang pagkamasayahin ng bata at naalala niya ang sarili noong nasa parehong edad s’ya ni Abby. Na tila walang problema, walang inaalala. Wala siyang anumang inaalala noon, kundi kung paano makikita si Rico.

“Taga-Maynila kayo? Maganda siguro talaga do’n, ano? Ako, gusto ko’ng mag-kolehiyo sa Maynila. Sabi ko kay nanay, do’n ako kukuha ng entrance exam kaya lang malayo raw masyado. Pero ang kuya ko, doon nag-aral nung do’n pa kami nakatira. Ikaw ate, sa Maynila ka ba nag-college?”

“H-ha? A-“

Sinundan ni Lia ng tingin ang tinatanaw ng dalagita. Kinawayan nito ang isang binatang parating. “Ayan na pala ang kuya ko. Ipapakilala kita.”

Maganda ang ngiti ng bagong dating pagkakita kay Abby. At nawala ang ngiti nito nang mapansin ang kasama nito sa mesa. Pumasok ito sa loob ng cafeteria at lumapit sa kinauupuan nila.

“Kanina ka pa?” tanong nito kay Abby pero kay Lia ito nakatingin.

“Medyo kuya, pero okay lang, may kausap naman ako, tsaka pinahiram ako ni ate ng magazine habang naghihintay,” sabi ni Abby. “Siyanga pala, kuya, si ate Lia. Taga-Maynila siya. Ate, kuya ko, si kuya Rico. Nurse siya d’yan sa ospital.”

Inakbayan ni Rico ang kapatid at tinanguan lang si Lia na parang wala lang, na para ba’ng noon lamang siya nito nakita. “Ano Abby, uwi na tayo?”

Tumayo si Abby at ibinalik kay Lia ang hiniram na magazine. “Salamat sa magazine, ate.”

“Sige, sa ‘yo na ‘yan,” nakangiti niyang sabi.

“Naku ate, nakakahiya naman, pero kung mapilit ka, thank you na rin,” masaya nitong sabi at muling kinuha ang magazine sa mesa.

Tiningnan ng masama ni Rico ang nakababata’ng kapatid at ginulo ang nakatali nitong buhok. “Pasensiya ka na sa kapatid ko, makulit talaga ‘to.”
Ngumiti si Lia at tumango. Tumayo na rin siya at inayos na ang gamit sa bag.

“Uuwi ka na rin ba, ate? Gusto mo, sumabay ka na sa ‘min? Saan ka ba tumutuloy?” tanong ni Abby.

“S-sa People’s Lodge,” atubili niyang sagot.

“A, sa People’s? Nadadaanan namin ‘yon ni kuya pauwi. Sumabay ka na sa ‘min,” sabi pa nito na hindi naaalis ang ngiti sa labi.

“’Wag na, nakakahiya naman.”

“Bakit naman nakakahiya? Okay lang ‘yon, diba, kuya? Nadadaanan naman natin ang People’s pauwi? Sige na ate, sumabay ka na sa ‘min.”

Kung si Lia ang tatanungin, hindi na kailangan pang magdalawang salita ni Abby at gusto talaga niyang sumabay pauwi sa magkapatid. Pero sa tingin niya, parang hindi iyon gustong ideya ni Rico. “H-hindi na lang, baka makaabala pa ‘ko sa inyo.”

“Hindi naman. Diba, kuya?”

“O-oo, walang problema kaya lang nakakahiya baka hindi siya sanay sumakay sa lumang sasakayan. Mukhang mamahaling kotse lang ang sinasakyan n’ya.”

Sabay na tiningnan nina Lia at Abby si Rico, at saka muling bumaling kay Lia si Abby. “O-okay lang ba sa ‘yong sumakay sa lumang sasakyan?” nag-aalala nitong tanong.

“Oo naman, bakit naman hindi okay?”

Ngumiti si Abby. “’Yon naman pala kuya e, okay lang sa kanya. Isabay na natin si ate Lia.”

Ngumiti na lang din si Rico dahil alam niyang wala rin siyang pagpipilian at ipagpipilitan lang ng kapatid ang gusto nito. “Okay.”

Atubiling sumunod si Lia sa magkapatid hanggang sa kung saan nakaparada ang lumang puti nitong Nissan Sentra. Inaasahan na niyang luma iyon pero hindi ganoong ka-luma. Sa tingin ni Lia ay 1994-1995 model iyon ng sasakyan na sa totoo lang ay madalang na niyang nakikita sa kalsada ng Maynila.

“Pasensiya ka na sa kotse ni kuya, sabi nga ni tatay, panahon pa raw ‘to ng Hapon,” sabi ni Abby nang makapasok na sila sa loob ng sasakyan. Doon siya naupo sa likuran. Ilang beses pa munang sinubukan ng binata na ii-start ang makina bago ito tuluyang umandar. “Sabi ko nga kay kuya bumili ng kahit na second hand lang basta ‘yung medyo bagu-bago, hindi ‘yung katulad nitong panahon ng Hapon para naman hindi masyadong nakakahiya.”

“Oy, kung hindi dahil sa lumang kotse na ‘to na panahon pa ng Hapon, maglalakad ka araw-araw papuntang eskuwelahan mo,” sabi ni Rico na abala sa pagmamaneho.

“Sabi ko nga, okay lang ‘tong ganitong kotse, wala naman ako’ng masyadong reklamo.”

Tahimik lang na nakikinig sa palitan ng pag-uusap ng magkapatid si Lia sa likod ng sasakyan at lihim na natatawa. Kahit ngayon lang niya nakilala ang dalawa ay parang matagal na niya itong kakilala, lalo na si Abby. Naaaliw siya sa kakulitan at kadaldalan ng dalagita.

“Ikaw ate, may kotse ka ba sa Maynila?” tanong sa kanya ni Abby na lumingon pa sa kanya. “Siguro hindi ganito kaluma, ano?”

Iniisip pa ni Lia ang isasagot sa mga tanong na iyon ni Abby nang huminto na sila sa tapat ng tinutuluyan niya. “Ayan na ang People’s,” sabi ni Rico.

Tiningnan iyon ni Lia at kinuha na ang bag sa tabi. “S-salamat.”

“Wala ‘yon, ate. Salamat din dito,” tugon ni Abby sabay taas ng hawak na magazine na ibinigay niya. “Sana magkita pa po ulit tayo.”

Lumabas na siya ng kotse at kumaway sa paalis nang sasakyan. Malayo na ay nakikita pa rin niyang kumakaway si Abby, samantalang hindi man lamang yata siya nginitian ni Rico bago tuluyang magpaalam.

“LIA, WHERE ARE YOU?”

Bahagyang inilayo ni Lia ang cellphone sa tainga dahil sa lakas ng boses ng kanyang ama sa kabilang linya. Hindi niya dapat sasagutin ang tawag na iyon pero alam niyang mas magagalit ito sa kanya kapag ginawa niya ‘yon. “Dad, don’t worry, I’m okay.”

“I’m not asking how are you, I’m asking where are you.”

Tumitingin-tingin si Lia sa mga souvenir items na ipinagbibili sa kahabaan ng daan malapit sa ospital. Nagpasya siyang maglibot muna sa lugar bago magpunta doon. Gusto rin niyang bumili ng mga prutas at bulaklak na maaari niyang ibigay lay lolo sa kanyang pagbisita, para naman magmukhang makatotohanan ang pagdalaw niya sa ‘kaibigan’.

“Kung hindi pa ‘ko maagang umuwi from Singapore at tinawagan ni Roy para sabihin sa ‘kin na nawawala ka at hindi ka niya ma-contact, hindi ko pa malalaman na kung anu-ano na naman ‘yang ginagawa mo. Tinawagan raw niya si Kat, wala rin daw maisagot sa kanya tungkol sa ‘yo. He’s so worried about you.”

“Dad, I’m okay. He’s just overreacting again. I’m okay.”

“You weren’t returning his calls, normal lang na mag-worry ‘yung tao. Bakit ba naman kasi bigla-bigla kang nawawala? Nasaan ka ba talaga?”

Napailing si Lia at nagpatuloy lang sa pagtingin ng bibilhin. “Pinagagalitan n’yo na naman ba ‘ko dahil kay Roy?”

“Lia, pinagagalitan kita dahil anak kita at may karapatan akong pagalitan ka. Nasa’n ka ba talaga?”

Inisip muna ni Lia kung sasabihin dito ang totoo niyang kinaroonan dahil alam niya na maaari siya nitong ipasundo anumang oras saan mang lupalop siya nagpunta. “You must promise me first  that you won’t ask anybody to go here and look after me.”

Tumangu-tango si Amado. “Okay, I promise. Now, where are you?”

“S-somewhere up North,” sabi niya, nagdadalawang-isip kung sasabihin niya sa ama ang totoong kinaroroonan niya.

“Baguio?”

“S-somewhere near Baguio.”

Ilang sandaling natahimik ang kabilang linya. “Ilocos? Lia, where exactly?” matigas nitong tanong sa anak.

“B-banaue.”

“Banaue?! What the hell are you doing there?” malakas nitong tanong, dahilan para muling ilayo ni Lia ang telepono sa tainga.

“R-research.”

“Research? Hindi ba, editor ka, kailan ka pa naging researcher?”

Kinuha ni Lia ang nagustuhang ilang accessories at ibinigay sa tindera ng shop. “Basta Dad, I’m doing some research and  I’m okay. I’ll be back soon, don’t worry.”

“How would I not worry? Nag-iisa ka d’yan, alam mo kung gaano kadelikado ang panahon ngayon and-“

“Dad, please.”

Napailing na lang ang kanyang ama. Wala na rin naman itong magagawa pa. “Kailan ka uuwi?”

“Tomorrow. I’ll be home tomorrow.”

“Tawagan mo ‘ko kapag pauwi ka na. Ipapasundo kita.”

Si Lia naman ang umiling. “Hindi na Dad, I’ll be fine. I’ll call you. I can take care of myself. Bye.”

Nang matapos ang usapan nila ay nakabili na siya ng ilang bagay na maiuuwi sa Maynila. Dumaan na rin muna siya sa mga fruit stand bago tuluyang magpunta sa ospital. Katulad ng nakaraang araw, palingun-lingon siyang pumasok ng ospital na iyon, nagbabakasakaling makasalubong si Rico. Pero nakaakyat na siya ng second floor ay hindi pa rin niya ito namataan. Sinilip pa muna niya ang kuwarto kung nasaan ang matandang lalaki bago siya tuluyang pumasok. Napansin niya na mayroon nang nadagdag na isa pang pasyente na nakahiga sa kama sa dulo ng kuwarto. Isa rin iyong matandang lalaki, at may babaeng nagbabantay doon. Laking pasalamat niya nang makitang mahimbing ang pagkakatulog nito dahil talagang hindi niya alam kung paano ipapaliwanag rito ang bigla nitong pagkakaroon ng bagong kaibigan mula sa Maynila. Dahan-dahan niyang inilapag sa maliit na mesa ang dalawang plastic ng nabili niyang prutas, at isang pumpon ng sariwang bulaklak.

“Good afternoon po, lolo,” mahina niyang bati. Hinatak ni Lia ang lumang plastic na upuan at inilapit iyon sa hospital bed. Pinunasan muna niya iyon ng tissue bago naupo para hindi madumihan ang puting pantalon na suot. Iniligid niya ang paningin sa kabuuan ng kuwarto at hindi niya nagustuhan ang itsura nito. Siguro nga, tipikal ang ganoon sa mga pampublikong ospital. At sa tingin niya ay hindi nakakatulong ang ganoong kondisyon sa mga maysakit na naroon.

“Lolo, pasensiya na po ha, I didn’t mean to do this but I hope you understand. It has just gone out of hand. Hanggang ngayon lang naman po ito, lolo. So if it’s not too much to ask, sana po huwag muna kayong magising hanggang sa makaalis po ako.”

“Good afternoon.”

Nagulat si Lia at napatayo nang marinig ang tinig na iyon mula sa pintuan ng kuwarto. Si Rico, nakasilip, at hindi niya alam kung gaano na ito katagal na nakatayo roon, o kung narinig ba nito ang mga sinabi niya sa natutulog na matanda. “K-kanina ka pa d’yan?”

“Kadarating ko lang, ikaw, kanina ka pa d’yan?” balik nitong tanong. Nanatili ito sa may pinto.

Umiling si Lia. “K-kadarating ko lang.”

“Tamang-tama, kasama ko si Dr. Medina, para makausap mo siya.”

Pilit na ngumiti si Lia. Hindi niya alam kung paano makakaiwas sa sitwasyong iyon pero wala na siyang panahon pa para makapag-isip dahil biglang lumitaw mula sa likod ni Rico ang isang matangkad na lalaki. Si Dr. Medina.

“Hi, good afternoon,” masaya nitong bati.

“Si Dr. Medina,” pakilala ni Rico sa doctor. “Sir, siya ‘yung kaibigan ni lolo na sinasabi ko sa inyo.”

Lumapit si Dr. Medina at tiningnan ang pasyente bago si Lia. Iniabot nito ang kanang kamay para kamayan siya. “Mike Medina. And you are?”

“Lia,” sagot niya at kinamayan ang kaharap. Mas matangkad ito nang kaunti kaysa kay Rico, mas payat. Maputi ito at maganda ang mga mata. Pero hindi siya sa doktor nakatingin kundi sa nurse na nasa likod nito dahil hindi man lang yata nito natandaan ang pangalan niya.

“Nice to meet you Lia. Kaibigan mo raw si lolo Milyo?”

Tumangu-tango si Lia. Ngayon lang niya nalaman ang pangalan nito. “Actually, kaibigan po siya ng lolo ko.”

Muling bumaling ang doctor sa natutulog pa ring si lolo Milyo. “Sa ngayon, okay na siya. Kailangan lang i-monitor ang heart condition niya. Meron akong mga inireseta’ng gamot na kailangan niyang inumin araw-araw,” sabi nito at may inilabas na ilang papel mula sa bulsa at iniabot sa kanya. “Kailangang i-maintain ang mga gamot para ma-stabilize ang puso niya. Mahirap kasi kapag nasundan pa ng isa pang atake si lolo, baka maging delikado na para sa kanya.”

Tumango lang si Lia dahil wala naman siyang ibang p’wedeng gawin kundi tumango. Kinuha niya ang iniabot na mga reseta ng doktor.

“Sasamahan ka na lang ni Rico sa nurse station para sa ilang information na kailangan para sa records,” sabi pa nito sa kanya habang pinag-aaralan niya ang mga papel na iyon. “A, Rico, pakitulungan si Lia para sa records ng pasyente.”

“Okay, Doc.”

“Lia, mauna na muna ako, marami pa ‘kong bibisitahing pasyente. Magkita na lang uli tayo next time.”

“Thank you po, Doc.”

Ngumiti pa muna ang doktor bago lumabas ng kuwarto at naiwan sila doon ni Rico. At sa pagkakangiti nito, alam na ni Rico ang ibig no’ng sabihin. Saglit na nagkatinginan sina Rico at Lia.

“K-kailan siya iri-release?” tanong ni Lia. Marami siyang gustong itanong at gustong malaman.

“May hinihintay pang ilang resulta ng tests niya. Kapag okay naman ang resulta, baka p’wede na siyang makauwi kahit bukas.”

Malapit nang mag-panic si Lia. Maaari nang makauwi si Lolo bukas pero hindi man lang niya alam kung saan ito iuuwi. “W-wala pa rin ba’ng ibang dumadalaw sa kanya?”

Umiling si Rico.

At napailing rin si Lia. Dahan-dahan siyang napaupo sa upuang iyon. Muli niyang tiningnan ang reseta ng mga gamot ng matanda.

“May problema ba?” tanong ni Rico sa kanya.

Malaki, kung p’wede lang niyang sabihin sa binata. Tiningnan niya ito. Kung hindi dahil dito ay wala siya sa masalimuot na sitwasyong iyon.

“Kung gusto mo, p’wede ka’ng humingi ng tulong kay Doc, makakagawa ng paraan ‘yon para makakuha kayo ng malaking discount sa mga gamot tsaka sa pagbabayad dito sa ospital.”

Umiling lang si Lia. Kung mga gamot lang at ang bayad sa ospital ay wala siyang problema. “S-salamat. Okay lang.” Mula sa mga papel na hawak ay tiningnan niya ang matanda. At lalo lang nadagdagan ang problema niya nang makita niyang unti-unting dumidilat ang mga mata nito. Ngayon, hindi na okay ang lahat. “O my God.”

Napatingin si Rico sa pasyente at nakitang nakadilat na ito. Agad niyang chinek ang dextrose at ang pulso nito.

Tumayo si Lia at medyo lumayo para hindi mahagip ng paningin ng matanda. Paano na lang kapag nakita siya nito at tanungin kung sino siya at kung anong ginagawa niya roon?

“N-nasaan ako?” nanghihina pang tanong nito.

“Nasa ospital po kayo, lolo. Ano po’ng nararamdaman n’yo?”

“Masakit ang ulo ko…sino ka ba? Kilala ba kita?” nagtataka nitong tanong.

“Ako po si Rico, nurse po ninyo. Siya, kaibigan n’yo raw po siya, naaalala n’yo po ba?”

Tiningnan ng matanda si Rico at pagkatapos ay ang itinuro ni Rico. Bahagyang kumaway si Lia, punung-puno ng kaba ang dibdib. “S-sino kamo?” Bahagyang umiling si lolo Milyo matapos siyang tingnan nang mabuti. “Masakit ang ulo ko… Apo ba kita iho?”

“Hindi po.” Pinalapit nito si Lia para mas makita ito nang maigi ng matanda. “Siya po ba, nakikilala n’yo?”

“E sino ba ‘yan? H-hindi ko siya kilala. Ano ba’ng ginagawa ko rito?”

Tiningnan ni Rico si Lia na noon ay pinagpapawisan na sa sobrang kaba. “Mukhang wala yatang naaalala si lolo. Tatawagin ko lang si Doc para ma-check and kondisyon niya.”

Nang makaalis si Rico ay atubili siyang lumapit dito at tiningnan siya nitong mabuti. “S-sino ka nga ulet?”

“A, e…Lia po, lolo. Lia po ang pangalan ko.”

“Ano’ng ginagawa ko rito?”

Hindi malaman ni Lia kung matatawa o maaawa ba sa matanda. Kung totoo nga na wala itong ano mang naaalala, mabuti iyon para sa kanya. “Naaksidente po yata kayo. Wala po ba kayong natatandaan?”

Umiling-iling ang matanda. “S-sino ka ulet?”

“Lia po.”

“Ano’ng ginagawa ko rito?”

Napabuntung-hininga si Lia. Talaga ngang walang naalala ang matanda. “Naaksidente po kayo.”

May limang beses na paulit-ulit na itinatanong ni lolo Milyo ang mga tanong na iyon na paulit-ulit rin namang sinasagot ni Lia, hanggang sa muling dumating si Rico kasama si Dr. Medina. Sabi nito ay may posibilidad na nagkaroon ng epekto sa bahagi ng utak ang pagkakabagsak nito at nagresulta sa temporary amnesia, o kaya ay selective amnesia dahil may mga bagay itong naaalala katulad ng ilang mahahalagang pangyayari sa nakaraan nito. Maaari ring dala na rin iyon ng katandaan.

Bukas pa lalabas ang resulta ng ginawa ditong pagsusuri at doon malalaman ang tunay nitong kalagayan. At kapag minalas, hindi pa ito makakauwi.

Sinamahan ni Rico si Lia para asikasuhin ang mga dapat asikasuhin sa nurse station, pati na ang pagbili ng mga gamot para kay lolo Milyo. Masaya dapat siya dahil kasama niya ngayon si Rico, pero wala siyang saya’ng maramdaman. She’s worried about the old man, and she’s worried for herself. Kung anu-ano nang gulo ang napasukan niya dahil lang sa kagustuhan niyang makita ang binata’ng iyon.

Habang pabalik sa kuwarto ng matanda ay tinitingnan lang ni Lia si Rico na nauunang maglakad sa kanya. Mataas ito sa kanya ng halos limang pulgada kaya kailangan pa niyang tumingala sa tuwing kakausapin ito.

Agad ding nagpaalam si Rico, hindi sa kanya, kundi sa pasyente. At kaunti na lang ay malapit na siyang mairita sa binata’ng iyon. He’s been acting as a concerned citizen one minute and treating her coldly the next.

“And I’m really starting to hate him,” sabi ni Lia, kausap ang natutulog na matanda. Naupo siya sa plastic na upuan matapos mailagay ang mga gamot sa drawer. “Alam n’yo ba’ng ang nurse na ‘yon ang dahilan kung bakit ako narito? I’ve been wanting to see him after a long time and now that I already have, I am starting to hate him.”

About pagsintangpururot

dreamer, poet, writer, artist, traveler, believer

Talakayan

7 thoughts on “Chapter 2: Finding Rico

  1. may point ka jan te CECILIA,., parang FINDING NEMO lang noh? dapat kasi mag rhym.x para makaganda sa pandinig,., HEheheheh

    anu ba yan,. suplado pag wala sa ospital, tapoz pag anjan na parang easy.x lang

    Posted by zyn | Mayo 18, 2013, 12:55 umaga
  2. hahah. .ang cute. .

    Posted by pazawaiy_1901 | Marso 5, 2012, 11:01 hapon
  3. abby the angel, sabi nila ang mga batang masayahin daw ay parang mga anghel

    but then again, rico/noel is as much as insensitive as me, pasuplado effect at iniisip din na baka hindi naman siguro ako type nito, i call it 50:50% thinking para safe.

    kaso nagagalit nga talaga ang babae kung type ka niya at suplado ka naman. on the other hand para din ako si lia, torpe, lalo na pagkaharap na yung girl na gusto ko.

    great story, see you on chapter 3!

    Posted by marcpogi | Agosto 15, 2008, 3:49 hapon
  4. Cno pala ung noel, parang hindi siya kasali..

    Posted by Maki | Agosto 15, 2008, 4:45 umaga
  5. pano b yan.. kita tau uli s chapter3.. hahaha..

    Posted by Maki | Agosto 15, 2008, 4:43 umaga
  6. Ganda talaga.. ayaw p ksing magpakatotoo..

    Posted by Maki | Agosto 15, 2008, 4:12 umaga
  7. guys, guys, guys, correction lang po…kung may mae-encounter kayong name na NOEL sa buong nobela, si RICO rin po iyon. Noel kasi ang original name ng character, just decided to change it the last minute…mas cute kasing pakinggan ang title na FINDING RICO kaysa sa FINDING NOEL, diba?🙂 Happy reading!

    Posted by cecilia | Agosto 15, 2008, 1:36 umaga

Ano ang iyong masasabi sa iyong nabasa?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

TOP Calendar

Agosto 2008
M T W T F S S
« May   Sep »
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031

Mga Istorya

Aming Nakaraan

%d bloggers like this: