binabasa mo ang...
Kahit Kapirasong Langit

Kahit Kapirasong Langit (13).

Malapit nang pumatak ang ikawalo ng umaga nang may kung anong humihip sa akin upang bumangon na at pumanaog. Wala pa man ako sa kusina ay amuy na amoy ko na ang masarap na almusal na luto ni Kuya Melvin. Nangakaupo sa mga silyang kahoy sina Mama at Ninang. Rinig na rinig ang malakas nilang boses habang nagkukuwentuhan tungkol sa magulong politika sa Maynila.

“Palagi naman silang nagpapatayan do’n, eh. Para sa puwesto, kailangan nilang pumatay ng mga kalaban sa eleksyon. Halos walang pinagbagong maganda ang Maynila. Magulo pa rin!” paninindigan ni Ninang Grace habang hinahalo ang mainit na kape sa kanan ng pinggan niya.

“Alam mo kahit naman dito. Kahit probinsya, hindi naman kagaya ng mga sinaunang probinsya. ‘Pag sinabi mo kasing probinsya, parang walang sibilisasyon. Pero, pero! Marungis din ang politika. Mahirap nang magtiwala ngayon. Ang mga pinagkakatiwalaan mo, pinagkakatiwalian ka!”

“Sinabi mo pa.” Saka lang ako napansin ni Ninang nang hilain ko ang isang upuan upang makasalo sa almusal. “Good morning, Donna.”

“Good morning, Ninang! Good morning, Ma! Good morning, Kuya!” masigla kong bati sa kanilang tatlo.

Hinango na ni Kuya ang mga longganisa mula sa kawali at inilagay niya iyon sa isang pinggan. Pinagsabay niyang bitbitin palapag sa hapagkainan ang longganisa at itlog. Naupo siya sa tabi ko.

“O, siya, kumain na tayo. Ang sarap ng tulog ko,” pagmamalaki ni Mama kay Ninang.

“Hindi mainit dito kapag gabi, ano? Sa Maynila, kahit anong electric fan ang gamitin ko, mainit pa rin.”

Makasandali’y umikot ang pinaglalagyan ng sinangag upang makakuha ng kanin ang lahat. Nagpatuloy lamang sina Mama at Ninang sa pagkukuwentuhan ng kung anu-anong bagay na may kinalaman sa politika, pamahalaan, pamumuno. Ang kulang ay ang sabihan ko silang tumakbo sa susunod na halalan nang sila na ang pumalit sa mga tinutuligsa nilang gobernador at punung-lunsod. Samantala, tahimik si Kuyang kumakain, na para bang walang kabalak-balak mag-usal ng kahit anong salita.

Habang paunti-unti kong inuubos ang laman ng pinggan ko, tumakbo sa isip ko ang mga nangyari kagabi. Masyado akong nag-akalang makakalimutan ko ang mga pangyayari. Masyado akong umasang hindi ako guguluhin ng mga kasinungalingan ni Brixx. Malaking pagkakamali ang ginawa kong pagpunta sa pagdiriwang na iyon kagabi sa bahay niya. Sa halip na kaarawan ang ipagbunyi ko, kaaligagaan lamang ang idinulot sa akin ng gabing iyon. Isa nga namang napakahabang gabi. Isang mahabang gabing ayoko nang balikan pa.

Binasag ni Ninang ang pagninilay-nilay ko nang kalabitin niya ako sa tagiliran.

“May gagawin ka ba mamayang hapon?”

Nahirapan akong ibig niyang sabihin sa tanong na iyon kaya ako na mismo ang nag-ayos nito.

“Magpapasama po kayo saan?”

“Sa may bungad. Doon sa dati kong tinirhan. Siya nga pala, naayos mo na mga gamit mo?”

Napaisip ako.

“Pagkakuha ko ng mga naiwan kong gamit do’n, uuwi na kaagad ako sa Maynila.”

“Anak, kung hanggang ngayon, hindi ka pa rin sure, kung hindi ka pa rin makapag-decide, e, hapon pa naman ang uwi nitong si Grace.”

Hindi ako nakaimik.

“Sigurado akong magugustuhan mo do’n sa Maynila, Donna. Marami kang puwedeng makilalang tao.”

“Huwag mong sabihing ipapakilala mo siya sa mga politiko doon?” patawang tanong ni Mama na sinegundahan naman ni Ninang sa paghalakhak.

Noong nakaraang buwan, nang alukin ako nina Mama na mag-aral sa Maynila, nagdalawang-isip ako. Unang-una sa lahat, iyon ang mga araw na magulo kaming dalawa ni Mariel. Naisip kong magandang paraan ng pagbaon sa limot ang pag-alis ko dito sa Pangasinan. Kung noon pa man ay nag-alsa-balutan na ako, hindi na siguro mangyayari pa ang mga bagay na hindi na dapat naganap. Wala na sanang pagkirot sa puso ko. Subalit, huli na ang lahat. Nangyari na ang pagkawala ng pinakamatalik kong kaibigan, pagtaksil ng taong inibig ko at ang pagkamuhi ko sa sarili ko.

“Ako na lang ang maghahanda sa mga gamit mo,” pagpipresenta ni Mama. “Lumakad kayo ng maaga nang hindi kayo mahuli sa biyahe.”

Lumitaw sa mga labi ko ang isang kakaibang ngiti—isang ngiting hinaluan ng pangungulila.

Hindi na ako nag-ulik-ulik pa. “Sasama po ako.”

Talakayan

5 thoughts on “Kahit Kapirasong Langit (13).

  1. wag kna sumama gusto lng maka sex ng ninang mo di ba .

    Posted by blackdragon | Nobyembre 8, 2014, 9:21 hapon
  2. What’s ulik2?

    Posted by morena | Setyembre 30, 2014, 12:13 hapon
  3. Wag ka namang umalis donna. . Kawawa c brixx. .

    Posted by eli | Nobyembre 2, 2013, 8:20 umaga
  4. It means nagdalawang-isip. yun yata yun.

    Posted by Paurong | Abril 11, 2008, 4:33 umaga
  5. ulik-ulik? bago to ah. nice one!

    Posted by foobarph | Abril 9, 2008, 3:24 umaga

Ano ang iyong masasabi sa iyong nabasa?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

TOP Calendar

Abril 2008
M T W T F S S
« Mar   May »
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  

Mga Istorya

Aming Nakaraan

%d bloggers like this: