binabasa mo ang...
Kahit Kapirasong Langit

Kahit Kapirasong Langit (10).

Kailan Nasusukat ang Haba ng Gabi?

Ginising ako mula sa isang mahimbing na pagkakatulog, na para bang napakabago sa akin, ng malakas na katok ng kuya ko sa pintong papasok sa aking kuwarto.

“Donna!” Napakalakas ng boses ni Melvin. Paano pa kaya kung nakatapat na mismo ang bibig niya sa tainga ko habang tinatawag ang dadalawahing pantig kong pangalan. “Donna! Natutulog ka ba?”

“Ano ‘yon?” Mahina-hina kong pakli sa pag-aasam na mahinto man lang kahit sandali ang sunud-sunod na pagkawala ng pangalang ‘Donna’ mula sa bibig niya. “Sandali lang po.”

“Buksan mo nga ‘to!”

Hindi na ako nakapalag pa. Binuksan ko ang mga mata ko habang sumusugat ang pananakit ng ulo ko. Ito talaga ang problema ko kapag napahaba ang tulog sa hapon—ang kadalasang nagiging resulta nito ay ang pagsama ng pakiramdam ko.

Hindi ko na nagawang makapagsuot pa ng tsinelas sa kamamadaling mapagbuksan ang nag-aalburoto kong kuya.

“Bumaba ka,” aniya pagkabukas ko ng pinto.

“Bakit?”

“Namapak ka na naman ng tulog! 7:00 na.”

“Ano ba’ng meron?”

“Bakit nga pala wala na namang dial tone ‘yung telepono? Ano na namang ginawa mo?”

“‘Yung telepono? Ikaw lang naman ang palaging gumagamit no’n, ha? Ano ba kasing meron? Bakit mo ‘ko ginising?”

“Malay ko bang natutulog ka. Hayun. May bisita ka. Teka nga, may lakad ka na naman, ‘no? Imbis na asikasuhin mo ‘yung pag-alis niyo ni Ninang papuntang Maynila, lakwatsa inaatupag mo.”

“Anong Maynila?”

“Padating na kaya si Ninang Grace. Sinundo na ni Mama sa terminal.”

“Hindi ako sasama sa kanya.”

Naunang pumasok sa isip ko ang pangalan at mukha ni Brixx bago mapagtantong kaliligo lang ni Melvin kaya nakatapis lang siya. Inaasahan ko talaga si Brixx. Si Brixx lang.

Nakayapak pa rin akong bumalik sa kuwarto ko upang humarap sa salamin at suklayin ang gulu-gulo kong buhok. Nakakahiya naman kung para akong bruhang haharap kay Brixx. Pagkasuklay ko, tiniyak ko sa sarili kong presentable akong tingnan ng kahit na sino, lalung-lalo na ang lalaking iyon na naiinip na marahil sa ibaba. Naalala kong napakawalang-kuwentang mag-aliw ng bisita ang kuya ko. Baka tuloy kung anu-ano na ang itinanong ni Kuya kay Brixx. Kaya nga gayon na lamang ang matulin kong pagbaba sa hagdan.

Huminga ako ng malalim bago harapin si Bri—

“Hi, Donna.”

“A-Ashley?”

Tumindig siya mula sa pagkakaupo sa pula naming sofa at nilapitan ako upang yapusin.

“Pa’no mo—Pa’no mo nalaman kung sa’n ako nakatira?”

“It just means na magaling ako,” pagmamalaki ni Ashley.

“Let’s go!”

“Ha?”

“Ha? What’s with the ‘ha’? Come on.” Sabay turo sa pintuan. Pagkuwa’y hinawakan niya na ako sa balikat at akmang hihilain.

“Teka. Bakit ba?”

“Now, what’s with the ‘bakit ba’? Wait, wait. I need your opinion. What can you say about my dress? Ayos naman, diba? Do you think Brixx will like this? Okey naman ang yellow sa’kin, diba?”

Ang bilis niyang magsalita. Ewan ko ba kung bakit nauunawaan ko pa rin ang mga sinasabi niya.

“Now, what? This is the big what.”

“Ammm… You look…” At naghukay ako ng tutugmang salitang Ingles. “…fabulous.”

“Ow. That’s so sweet!”

“So, ano nga? Bakit ka nandito?”

Napatitig siya sa akin ng ilang segundo. “Hello? Donna, we really have to go na. Kanina pa tayo late.”

Boom! Saka ko lang naalala. Saka ko lang naalalang ngayong araw ang birthday ni Brixx. Ngayon nga. Gusto kong sabunutan ang sarili ko dahil sa hindi sinasadyang paglimot ng okasyon pero hindi ko magawa-gawa dahil sa nasa harapan ko si Ashley. Bakit nga ba hindi ako naging bukas-mata sa mga petsa-petsa?

“Kaya if I were you, magbihis ka na. Brixx is expecting you to be there. Konting party lang naman. And, by this time, I hope, na magiging close tayo sa isa’t isa. Don’t you think that’s nice.”

Sa unang pagkakataon ay napangiti niya ako. “Sandali lang. Sorry talaga sa paghihintay. Bihis muna ‘ko.”

“That’s fine with me. Go ahead. I’ll wait for you. Dito lang ako.”

At sa mga matang iyon ni Ashley nabasa ko ang kabutihang nanggagaling sa loob niya. Hindi naman pala siya ang tipo ng babaeng kaiinisan ko ng sagad-sagaran hanggang sa buto. Nadala lang siguro ako ng emosyon ko nang unang beses ko siyang nakita. Hindi naman pala sa lahat ng pagkakataon ay mananatili ang una mong impresyon sa isang tao. Oo, minsan nakadikit na iyon sa ulo mo at sa tuwing makikita mo ang taong iyon, maaalala mo na naman ang unang impresyon mo sa kanya, mapamaganda man o hindi. May mga pagkakataong nagbabago ang paningin mo sa isang tao.

Habang nasa kuwarto ako at naghahanap ng maayus-ayos na damit, patuloy na sumapaw sa pag-iisip ko ang tungkol kay Ashley. Napatunayan kong may kakaiba sa kanya. Sa ikinilos niya ngayong gabi at sa kung anupaman ang mangyayari, nakita ko ang isang bahagi niya. Nasabi kong isang bahagi sapagkat hindi ko masasabi kung siya na ba talaga iyon. Kadalasan kasi hindi naman lahat ng ipinakikita ng isang tao sa harapan mo, totoo. Minsan naman may ibang mukha pa palang nakukubli ng mga lihim at misteryo. Masaya ako dahil unti-unti ko nang nararamdaman ang magagandang katangiang panloob ni Ashley. Kung magtutuluy-tuloy ang lahat, malamang ay maging matalik kaming magkaibigan.

“You look so fabulous, Donna. Like me,” aniya nang makita na akong gayak ng isang dilaw na damit.

“Itong dilaw lang kasi ang meron.”

Tumangu-tango siya. “That’s good. Really. Tinernuhan mo talaga ‘ko, ha?”

“Medyo,” patawa kong sagot.

“So, are we going?”

“Ah. Teka. Tawagin ko lang si Kuya. Kuya! Kuya, aalis na kami.”

“Sige!” maikling tugong nagmula sa itaas. Abala marahil siya sa paggamit ng computer.

“Pakisabi na lang kay Mama.”

“Sige!”

“Lika na,” yaya ko kay Ashley.

Sa paglabas namin ng pinto, bago pa man kami makadaan sa tarangkahan, nilambungan kaagad ako ng malamig na hangin. Nauna si Ashley sa paglalakad. Binilisan ko ang paglakad para magkasabay kami. Tinalunton namin ang kanto ng kalyeng iyon. Itinuro niya ang isang berdeng waiting shed.

“Doon na tayo maghintay ng tricycle.”

Sumang-ayon ako. Hindi ko pa man naihahakbang ang isa kong paa, naging maliwanag kaagad sa paningin ko ang isang babaeng nakaputi. Nakaabang siya sa ilalim ng waiting shed. Ang katawan, ang haba ng buhok, ang kutis ng balat na tinatamaan ng buhay na ilaw… Naging pula ang kulay ng ilaw. Bigla itong kumislap. Nagpatay-sindi itong parang Christmas lights. Pumusyaw ang ilaw hanggang sa namatay ito. Tumingin sa akin ang nakaputing babae.

Sumigaw ako. Kumaripas ng takbo sa mga ugat ko ang nerbiyos. Itinakip ko sa mga mata ko ang nanlalamig at nanginginig kong mga kamay.

“Donna? Bakit? Ano’ng nangyayari? Ano’ng meron?” Hindi ko na sigurado kung ano ang naging reaksyon ni Ashley. Lalo ko lang naramdaman ang panginginig ng katawan ko. “Ah! Oh my God. Nilalamig ka! Donna! Donna!”

Pinilit kong umigi ang pakiramdam ko. Nakatulong ang pagpapakalma sa akin ni Ashley na sa mga sandaling iyon ay kakikitaan pa rin ng kaba. Nang mahimasmasan na ako, wala na akong nakita sa may waiting shed. Tahimik pa rin ang paligid at nakabukas ang ilaw doon.

“Si Mariel.”

“What?”

“Ashley, nakita ko si Mariel.”

“Donna, relax. Sshh. Relax.”

Itinuro ko ang ilaw ng waiting shed. “Naging kulay pula ‘yung ilaw tapos namatay.”

“Ha?” Takang-taka pa rin si Ashley sa akin. “Teka. Si Ma—Mariel, siya ‘yung namatay mong best friend, diba?”

Tumango ako. Isang butil ng luha ang dumaloy mula sa kanan kong mata. Sumunod ang isang butil sa kaliwa. Ngumiti ako. “Ayos lang ako. Ayos lang ako.”

Hinagkan niya ako sa kanyang mga bisig. “Donna. Let go. You just have to let go.”

“Salamat.”

“No need.” Inalis niya ang kanyang mga balikat. “Tutuloy pa ba tayo?”

“Oo naman,” mabilis kong itinugon. Wala nang naging satsatan pa dahil sa pagdating ng isang tricycle mula sa gawing kaliwa. Pinara namin iyon at nagpahatid na sa patutunguhan.

Dali-dali kong isinantabi ang pagpapakitang iyon ni Mariel o kung hindi naman iyon pagpapakita ay guni-guni ang tawag doon. Nakakatuwang isiping hindi na inungkat pa ni Ashley ang nangyari habang nakasakay kami sa tricycle. Napunta ang kuwentuhan namin sa mga bagay na tungkol sa kanya. Doon ko nalamang kasalukuyan siyang tumutuloy kina Brixx. Maaari raw na dito na siya sa Maynila magpatuloy ng second semester sa pasukan. Nagulat ako nang sinabi niyang first year college pa lang siyang gaya namin ni Brixx. Sa hitsura niya kasi ay nasa labingwalo na ang edad niya. Dalagang-dalaga na kasi siya kung titingnan.

Nursing ang kinuha niyang kurso noong first semester. Iyon daw kasi ang gusto ng mga magulang niya. Anila, malaking pera ang kapalit kapag nag-aral si Ashley ng Nursing. Sunud-sunod na kasi ang pagsulpot ng mga nursing school sa pinanggalingan niya. At kakabit ng mga iyon ang magagandang balitang nanggaling sa mga nakatapos na ng pag-aaral ng pagiging nars at malaki talaga ang kinikita ng mga iyon.

“Ang problema lang talaga, you know what, I don’t want to be a nurse. May pangarap ako. I want to be an actress someday. Sa theater. Kaya nga I really want to take Theater Arts as my course. Pero, ‘yun nga, my parents are my bosses. Mabuti na lang, na-realize din nilang hindi ko talaga ang Nursing. Hindi talaga. I hate blood. Ha ha!”

Hindi namin namalayan ang oras. Agad naming pinahinto ang tricycle nang makalagpas na kami sa tirahan ni Brixx. Si Ashley ang nagbayad ng pamasahe namin.

“Nandito na pala tayo,” sabi ko.

“Ano? Pasok na tayo.”

Sa totoo lang, sa mismong sandaling iyon ay sabik na sabik na akong makita si Brixx. Gusto kong maayos na humarap sa kanya. Ayokong makita niya akong malungkot. Dapat maging masaya lalo na’t kaarawan niya ngayon. Ipinangako ko sa sarili kong ikasisiya ang kabuuan ng gabing iyon lalong higit dahil makakapiling ko si Brixx.

“Wala nga pala tayong regalo,” naalala ko.

“Don’t worry. Hindi naman gano’n si Brixx, eh. He prefers one’s presence kaysa sa pagbibigay ng gift. Last birthday niya, noong niregaluhan ko siya, nakuha niya pang magalit. Ayaw niya raw nga kasi ng gifts. Weird talaga lalaking ‘yan.”

Nasa pintuan pa lang kami ay naririnig ko na ang hiyawang nagmumula sa loob. Nagkakasiyahan na nga. Ako na ang nag-abalang pindot-pindutin ang doorbell.

“They were not this noisy when I left them,” naiinis na sabi ni Ashley.

Gaya ng inaasahan ko, si Brixx ang nagbukas ng pinto. Nakakatuwa siyang pag-ukulan ng pansing tingnan. Tugmang-tugma ang katangkaran niya sa hugis ng katawan niya. Bagay sa kanya ang suot niyang lilang polo. May pinta ng kagalakan ang mukha niya. Ang mga mata niya pa rin ang unang pumukaw sa damdamin ko tulad noong mga unang araw na nakikita ko sa gymnasium. Nakalulusaw ang pagngiti niya sa akin. Sa akin lang. Para bang ako lang ang pinagbuksan niya ng pinto. Para bang sa akin lang niya gustong ibuhos ang lahat ng pansin. Masayang-masaya siyang makita akong naroroon sa pagdiriwang ng kaarawan niya ngunit may kakaiba sa unang segundo ng pagkakakita niyang ako ang nasa pintuan. May hiwaga sa pagtatakang iyon.

“Brixx, happy birthday!”

Niyakap ko siya. Narinig ko siyang nagpasalamat habang nakayakap rin sa akin. Kakaiba ang yakap na iyon. Naramdaman kong nagpaumanhing makaraan at makapasok sa loob ng bahay si Ashley. Kaming dalawa naman ni Brixx ay nanatiling nakayakap sa isa’t isa.

“I’m so glad you’re here, Donna. Thank you talaga.”

“Pasensya ka na nga pala noong isang araw. Hin—”

“Ayos lang ‘yon. Ikaw pa. I understand how you feel.”

Napatigil siya. Sa pagtigil na iyon, humiwalay siya sa pagkakayakap sa akin. Nagkaroon na naman ng hiwaga sa mga mata niya. Waring may iniisip siya. Nawala ang ngiti sa kanyang mga labi nang batakin niya na ang pinto upang maisara ito.

Patuloy na lumilikha ng ingay ang malalakas na halakhakan ng mga taong nasa loob. Maraming bisita si Brixx. Karamihan ay lalaki. Pamilyar ang ibang mukha. Nakita ko na marahil sa mga laro ni Brixx dati. Ngayong hindi na sasali sa mga liga si Brixx, may tampo pa kaya ang mga kaibigan niya sa kanya? Wala na siguro. Kung mayroon man, hindi na siguro ganoon katindi. Malaking bagay, sabi nga ni Ashley, ang presensya ng bawat isa. Mahahalagang tao para kay Brixx ang mga bisita niya ngayon. Nakita ko sa isang sulok ang coach ng varsity nila noong high school. Sa isang banda naman magkakasama ang mga kaklase sa kolehiyo ni Brixx. Nasa dalawampu ang mga bisita kung susumahin. Malaki naman ang espasyo ng bahay ni Brixx kaya maayos na nakakikilos ang lahat. Natanaw ko sa malayo ang isang matabang babaeng nag-aasikaso ng mga handang pagkain. Naisip kong iyon ang nanay ni Brixx. Hindi ako nagkamali.

“Doon tayo kay Mommy. Ipapakilala kita.”

Dinala niya ako sa hapagkainan kung saan nakalatag ang maraming pagkain. Hindi nawala ang spaghetti at pansit. May leche flan din at maja blanca. Sa kabilang banda ng lamesa nakatayo ang babaeng natanaw ko kanina.

“Mommy.” Para bang sa isang turo lang ng daliri ni Brixx ay nasabi niya nang ako si Donna.

“Hi!” masayang bati sa akin. Inabot ko ang kamay niya ngunit imbis na tugunan ang pakikipagkamay ko ay umikot siya sa lamesa upang malapitan ako at mahalikan sa pisngi.

“Ikaw si Donna?”

“A—ako nga po,” hindi ko mapakaling sinabi.

“Tita Luz,” pagpapakilala niya kasabay ng paglagay niya ng kanang daliri sa dibdib niya. “Tita na lang. Ayos lang sa’kin. Tita ang itatawag mo sa akin, ha?”

Hindi pa rin ako mapalagay. Napakagaan ng pagtanggap sa akin ni Tita Luz.

“Sige na, Donna. Kumain ka na.”

“Si Ashley nga pala?” itinanong ko kay Brixx.

Lumingun-lingon siya sa paligid pero hindi niya ito nakita.

“Si Ashley? Pumanhik sa kuwarto niya. Eto. Ayan may pinggan at kubyertos diyan. Kumuha ka na lang ng gusto mong kainin. Anak, saluhan mo na nga.”

“Hindi ka pa ba kumakain?” tanong ko sa isang mapag-alalang tono.

“Hindi pa ‘yan kumakaen. Sabi’y hintayin ka daw.”

Namula ang pisngi ni Brixx. “Kumain na nga tayo.”

Naupo kaming dalawa sa isang bahagi ng mahabang lamesa. Tinanong niya ako kung ano ang gusto ko at siya na ang kumuha niyon. Nagsimula na kaming kumain. Sa una’y tahimik ako dahil sa naalala ko ang nangyari sa may waiting shed.

“Tinatawagan kita. Noon pang isang araw. Walang sumasagot.”

“Sa bahay? Hindi ko alam kay Kuya. Baka nga sira.”

“A, ganun ba? O, sabihin mo lang kung gusto mo pa,” ani Brixx pagkalagok ng kaunting inumin.

“Alam mo ba, Brixx, nagpakita si Mariel sa akin kanina.”

Napatigil sa pagsubo ng spaghetti si Brixx. Tumingin siya ng diretso sa akin.

“Kelan?”

“Kanina. Sa may waiting shed malapit sa amin.”

“Ahh… Kaya nga mabuting nandito ka. You really have to know something, Donna.”

“Bakit? Nagpapakita rin ba sa’yo si Mariel?”

Umiling siya.

“Ganito kasi ‘yon. Kasi—”

“O, ayos ka lang ba, iha?” sabad ni Tita Luz na galing sa grupo ng mga bisitang nagkakantahan sa harap ng telebisyon sa sala.

“Ok lang po.”

“Dalian niyo na’t lalagyan ko na ng kandila ‘yung cake. Gusto na ng ibang makakain ulit.”

Walang humpay ang pagtaas-baba ng tono ng kumakantang lalaki sa sala. Nagkakatuwaan ang kalalakihan sa kinakantang novelty song. Malalakas ang mga boses nila kaya inilapit ni Brixx ang upuan niya sa akin.

“Ay! Si Ashley nga pala.”

Tumindig ako upang lapitan si Tita Luz na kasalukuyang sinisindihan ang maliliit na kandila sa cake. Itinanong ko kung maaari ba akong makapunta sa kuwarto ni Ashley upang matawag na ito at makasama sa candle-blowing. Nasa unang kuwarto raw pagpanhik si Ashley.

Sarado ang pinto papasok sa kuwarto niya.

“Sino ‘yan?” tanong niya pagkatapos kong makakatok.

“Si Donna ‘to.”

“Pasok.”

Ang lampshade na nakapatong Nakita ko ang lungkot sa mukha niya. Para siyang umiyak.

“Magbo-blow na ng candles si Brixx sa baba. Bakit parang nagkukulong ka ‘ata dito sa kuwarto mo?”

Naupo siya sa gilid ng kanyang kama samantalang nakatayo lang ako sa may pintuan. Hindi niya ako magawang tingnan.

“Masama ba pakiramdam mo?”

Naisip kong tabihan siya sa pagkakaupo ngunit nang tumagos na sa akin ang kahiwagaan ng ikinikilos niya, pumirmi na lang ako.

“I want to ask you something.”

“Ano ‘yon?”

“Kayo ba? Kayo ba ni Brixx?”

“Ha? Hindi.”

“Stop this freakin’ game, Donna!” Tumingin na siya sa akin. Nanlilisik ang mga mata niya. “What the hell d’you want to happen ba? Ngayon, sasabihin mong hindi kayo? Stop this crap! Stop this big crap!”

“Hindi naman kasi talaga kami. E, ano naman ba kasi kung kami?”

“Lumabas din.”

“Hindi. Hindi ‘yon. Tinatanong ko lang kung ano naman ba kung kami?”

“Look. Isa si Brixx sa mga reason kung bakit nandito ako ngayon. I want to be with him. That’s true. I still love him.”

“Pero—”

“Pero ikaw ang mahal niya. May payakap-yakap pa kayong nalalaman. Don’t you know that everyone now thinks na kayong dalawa ni Brixx. Kahit sino pa ang tanungin mo sa mga tao sa baba. Everybody assumes na hindi niyo lang sinasabi na kayo talagang dalawa!”

“It’s just a hug. A friendly hug.”

“It’s still a crap, Donna. I hate it and I hate you.”

“Ashley naman. Akala ko ba magiging mabuti tayong magkaibigan. Bakit ngayon—”

“Kanina ‘yon! Now that I know your true color, huwag mo nang isipin ‘yung kanina. You won’t do any good to me. Kung alam ko lang na may pagtingin ka sa kanya, hindi na sana kita sinundo sa bahay mo. See? I do everything for Brixx. Kaya nga, when he told me that he wants you to be here at this very night na may celebration, ako na ang nagprisintang i-fetch ka.”

Wala na akong naisip na salitang puwedeng mamutawi sa bibig ko. Kung magsasalita ako, baka lumala pa o baka kung ano pa ang mangyaring hindi ko magugustuhan.

“Ashley, Donna, bumaba na kayo.” Boses iyon ni Tita Luz.

Sumunod kaming dalawa. Inalis niya ang kalungkutan at galit sa kanyang mukha nang nasa ibaba na kami upang sumalo sa pagbati kay Brixx.

Dumistansya ako sa pagkakataong iyon. Baka ang pagdikit ko pa kay Brixx ang makapagpahikayat sa mga bisitang dagdagan ang pag-iisip na may relasyon kami ni Brixx. Alam kong mahal ako ni Brixx at alam ko rin sa sarili kong mahal ko siya, ang kaso lang ay hindi talaga kami. Kung kami nga lang sana. Kung kami, mas masaya siguro. Maitatanggi ko ba namang ayoko siyang maging boyfriend? Hindi. Pero hindi ako umaasa. Mahirap umasa. Kapag umaasa, sa bandang huli, nagiging tiyak ang kasawian. Mas masakit kapag sa umpisa tiwalang-tiwala kang matutupad ang gusto mong mangyari pero kapag dumating na sa puntong malabo na ang lahat, kitang-kita na ang pagkabigo at panghihinayang.

Animo’y isang malaking kaguluhan ang nangyayari sa gitna ng mga bisita. Sa kabila ng ingay at malalakas na boses, nangingibabaw pa rin ang diwa ng pagmamahal nila sa kanilang kaibigan. Ikinagitla ko ang pangunguna ni Ashley sa blowing-of-the-candles. Siya ang tumawag sa lahat ng bisita upang makabilog sa may hapagkainan.

“Ok, guys. Kantahan na natin ang celebrant natin ng… Happy birthday to you… Happy birthday to you…”

Kasama ako sa mga kumakanta habang ang utak ko ay kung saan-saan dumarapo. Si Brixx ang nasa isip ko. Pati si Ashley. Dapat akong maging masaya dahil isang selebrasyon ang pinunta ko. Bago ang pumasok sa bahay na iyon, sinabi ko sarili kong magiging masaya ako. Pero ano? Nagbabadya na naman ang mga luha. Ilang segundo na lang papatak na sila. Hindi ako dapat maging malungkot. Hindi dapat. Lalong hindi ako dapat makita ni Brixx na nagkakaganito.

Natapos na ang kanta. Halos kuyugin na nila si Brixx. Mabuti pa si Brixx, nakangiti. Ako din dapat nakangiti.

“Of course, kailangan mo munang mag-wish. Before the blowing, Brixx. Wish.”

Hinawakan na ni Ashley ang patungan ng cake at inangat upang mas mapadali ang paghihip maya-maya ni Brixx. Natulala akong parang isang gamu-gamong naaakit sa ningas ng mga apoy. Nakadirekta lang ang paningin ko sa mga kandilang may sindi.

Napukaw ang tingin ko ng isang hugis na lumitaw sa tabi ni Brixx. Malabo noong una, pero naging malinaw din sa paningin ko. Isa iyong babaeng nakasuot ng puting damit na kaparis ng nakita ko kangina sa may waiting shed. Siya nga ang babaeng iyon. Ang kanyang mukha, ang kanyang magandang mukha. At ang ngiting kabisado ko ang kurba. Si Mariel nga.

“Ok na,” laking tuwa ni Brixx, kasunod ang pagtingin niya sa akin. Hihipan na sana niya ang mga kandila nang bigla akong mapansin ni Ashley.

Nawala ang babaeng nakaputi.

“O, Donna! You should be here beside our birthday celebrant.”

Lahat ng mga mata ay pumako sa akin.

“Oo nga, Donna.”

“Go, Donna.”

“U-huy.”

“Nice one, Brixx!”

Lahat sila ay inisip na tinutukso lang ako ni Ashley pero ang totoo ay kinaiinisan ako nito. Hanggang sa pilitin ako ni Tita Luz na tumabi kay Brixx at hindi na ako napigilan pa.

“Pasensya ka na kay Ashley at kay Mommy,” bulong sa akin ni Brixx. “O-key,” sigaw niya. “Blow ko na.” Nakadalawang beses siya sa paghihip.

“Happy birthday, Brixx.” Paulit-ulit ang pagbati sa kanya pagkatapos niyang mahipan lahat ng may sinding kandila. Umalis siya sa tabi namin ni Ashley.

Nang pasunod na ako kay Brixx sa paglipat sa kabilang bahagi ng lamesa, narinig ng lahat ang malakas na sigaw ni Ashley na katabi ko lang. Kasabay ng sigaw niyang iyon ang pagkadikit ng kabuuan cake sa damit ko. Wala pang isang dali nang makita ng lahat na punung-puno ng cake ang damit ko.

“Oh my God. I’m sorry.”

Nanlaki ang mga mata ni Tita Luz. “Ashley!”

“Tita, it was an accident. Hindi ko nahawakang maigi.”

“You’re so careless. Look what happened.” Sermon ang naging hantungan ni Ashley kay Tita Luz.

Nagulat si Brixx sa nangyari. Mabilis niya akong pinuntahan. Maging ang mga bisita ay nabigla sa nakita nila. Halos lumubog ako sa kahihiyan.

“Halika na. Punta tayo sa CR.”

Halatang-halata ang pagmamalasakit ni Brixx. Inalalayaan niya ako papunta sa kanilang palikuran. Hindi ako makatingin sa mga bisita. Parang nagkaroon ng maliliit na tawanang ako lang ang nakarinig.

“It’s ok, Donna,” sabi niya pagkapasok namin sa CR. Pagkabuhay niya sa ilaw, iniharap niya ako sa salamin at binuksan ang gripo. “Teka lang, kukuha ako ng tuwalya.”

Lalabas na sana si Brixx nang dumating si Tita Luz na may dalang tuwalya.

“Eto, Donna. Inay ko po. Pagpasensyahan mo na si Ashley.”

“Ayos lang po. Aksidente naman ang nangyari.”

“Aksidente? Sinadya niya. Kitang-kita ko,” paniniguro ni Brixx.

Sumunod na dumungaw si Ashley. May dala siyang damit.

“Pambihis. Hiramin mo muna.”

“Umalis ka nga dito!” Galit na galit ang tono ni Brixx.

Kinuha ni Tita Luz ang inabot na damit ni Ashley.

“Isuot mo na muna ‘to. Lagay mo lang diyan ‘yang damit mo nang malabhan ko,” sabi ni Tita Luz.

“Nakakahiya naman po,” wika ko.

“Ashley, ano ba? Hindi ka ba nakakaintindi. Ayokong makita ‘yang pagmumukha mo.”

Sa mga salitang iyon ni Brixx, sapat na para kay Ashley ang lumubog sa kahihiyan.

“Doon na tayo, Ashley,” turo ni Tita Luz sa sala. “Halika na.”

Masama ang naging huling tingin sa akin ni Ashley bago sila tuluyang nawala sa pintuan ng palikuran. Pihadong kumukulo ang dugo niya.

Tinulungan ako ni Brixx sa pagpunas ng cake na nasa buhok ko. Hindi natanggal lahat kaya inalok niya ang damit ni Ashley. Panandalian lang naman daw kaya mabuti pang isuot ko na.

“Sige, diyan lang ako sa labas.”

Pagkasarado ko ng pinto, hinubad ko ang dilaw kong damit at ipinalit ang puting pantaas at jeans ni Ashley. Iniwan kong nakabukas ang gripo at ginawang musika sa pandinig ang pag-agos ng tubig at ang pumapasok na tunog ng papalakas na ulan sa nakapinid na bintana. Masarap sigurong magtampisaw sa ilalim ng ulan, naisip ko. Bahala na kung paano ako uuwi mamaya. Hihiram na lang ako ng payong kina Brixx.

Humarap ako sa salamin at inayos ang buhok ko. Napagtanto kong sa kasalukuyan nga ay nagiging maganda ang gabi ko tulad ng inaasahan. Nginitian ko ang sarili ko sa salamin.

“Dapat akong maging masaya,” buong pagmamalaki ko. “Paglabas ko, balik na sa dati.”

Ganoon kasarap ngumiti. Kahit anupaman ang problemang dumaan, dapat marunong ngumiti. Wala namang magagawa ang pagngawa. Hindi naman ako sanggol para umiyak ng umiyak.

Ang malakas na ulan sa labas ay nakapagpagunita sa akin sa gabing nagkakilala kami ni Mariel. Bata pa kami noon. Maraming araw na ang nagdaan.

“Donna.”

Tumaas ang mga balahibo ko nang marinig ko ang isang pambabaeng boses mula sa likod ko. Naglibot ang paningin ko sa lahat ng sulok ng palikuran at napatunayang ako lang mag-isa ang naroroon.

“Donna.”

Sa makalawang beses na iyon, nasabi ko sa sarili kong tama ang hinala ko. Boses iyon ni Mariel. Mahinang boses na patuloy na idinadaing ang pangalan ko.

“Donna.”

“Nag-i-imagine ka na naman!” sabi ko sa repleksyon ko sa salamin. Pinilit kong pabayaan ang boses na naririnig ko pero hindi ko nagawa.

Hindi ko nagawang hawakan ang doorknob. Gusto kong makalabas sa lugar na iyon para matigil na ang boses pero para bang nanlata ako bigla.

“Donna.”

Lumakas ang boses na para bang katabi ko lang si Mariel, kung siya man iyon. Siya. Oo, siya naman talaga. Alam ko ang timbre ng boses niya. Alam ko.

“Brixx!” sigaw ko pagkatapos makalabas sa CR. Niyakap ko siya. Mahigpit. “Brixx, si Mariel. Kanina pa siya nagpaparamdam.”

“S—Si Mariel?”

Tiningnan ko siya sa mga mata. Anaki’y hindi man lang siya nausog ng mga sinabi ko. “Yung sa waiting shed, kanina habang nagwi-wish ka, at ngayon sa loob ng CR narinig ko boses niya. Hindi niya ko tinitigilan. Kutob ko e hindi siya matahimik dahil—dahil ako ang may kasalanan. Ako ang may kasalanan, Brixx, kung bakit wala na siya.”

Sa wakas ay guminhawa ang mga luhang kangina pa nagnanais makawala. Umiiyak ako habang hinahagkan niya ako. Dahil sa yakap na iyon, naibsan ang takot ko. Kung puwede lang sanang palagi siyang nakayakap sa akin… Kung puwede lang sanang palagi akong nakayakap sa kanya…

“Lalabas muna ‘ko ng bahay.”

“Umuulan.”

Sumulong pa rin siya sa paglabas ng bahay. Baliwala sa kanya ang pagtawag sa kanya ng mga kaibigang nasa sala nang dumaan siya upang makalabas ng pinto. Sumunod ako upang malaman kung ano ba ang nangyayari sa kanya.

Naabutan ko siyang nakatitig sa malakas na pagbuhos ng ulan habang pinaliliguan ng liwanag na nanggagaling sa ilaw na nakasabit sa kisame. Nakatayo siya sa nasisilungang bahagi ng pintuan. Makalagpas lang sa silong na iyon ay tiyak na magiging basang sisiw siya.

“Brixx… Ano ba’ng nangyayari sa’yo? Mukhang malungkot ka. May nasabi ba ‘kong…”

“Wala. Wala. Donna, hindi ko na kasi kayang itago.”

“Ang alin?”

Pinunan ng melodyang hatid ng malakas na ulan ang patlang na namagitan sa aming dalawa.

“Brixx, ano ba ‘yon?”

Sa kabila ng pinaghalong tunog ng pag-ulan at ng sama-samang boses ng mga tao sa loob ng bahay, narinig ko siyang humikbi at suminghap. Iyon ang unang pagkakataong nakita kong tinakasan siya ng mga luha sa dalawa niyang mata. Hinawakan niya ang mga kamay ko.

“Donna. Huwag ka sanang magagalit. Hindi ko intensyong huwag sabihin sa’yo. Dapat noon pa. Dapat noon pa nalaman mo na. Kasalanan ko ‘to kung bakit ganyan ka ngayon. Na—Naipit lang ako sa sitwasyon.”

“Hindi kita maintindihan. Puwede ba, huwag kang umiyak. Ayokong nakikita kang umiiyak.” Hinaplos ko ang mga pisngi niya at pinunasan ang mga luha.

“Mas lalong ayaw kitang nakikitang umiiyak,” diin niya. “Kaya nga dapat mo nang malaman.”

Inilayo ko ang mga kamay ko. “Ang alin ba kasi? Hindi kita maintindihan!”

Namagitan na naman ang tunog ng ulan sa aming dalawa.

“Hi—Mahirap. Mahirap sabihin. Pe—Pero kailangan mong malaman.”

“Ano ba kasi ‘yon? Bakit hindi mo masabi-sabi? Hindi kita maintindihan!”

“Hindi ko masabi-sabi dahil alam kong hindi mo magugustuhan! Hindi ko masabi-sabi dahil mahal kita at dahil ayokong magalit ka sa’kin!”

Mahal. Sa kanya nanggaling ang salitang iyon. Gusto kong magtatalon sa tuwa ngayong narinig ko rin sa wakas mula sa kanya ang katagang mahal kita.

“Donna, makinig ka. At sana maniwala ka sa sasabihin ko. Hindi ko alam kung bakit kung ano-ano ang nakikita mong sinasabi mong pagpaparamdam ni Mariel. I—Imposible ang mga sinasabi mo.”

“E, ako pala ang hindi mo pinaniniwalaan. Sabi ko nga sa’yo, nagpaparamdam siya sa’kin.”

“Namamalikmata ka lang. It’s just your imagination! Hindi puwedeng mangyari ‘yon.”

“At bakit naman hindi puwedeng mangyari, e—”

“Dahil hindi patay si Mariel! Hindi siya namatay sa aksidente! Dahil buhay ang kaibigan mo! Dahil buhay pa siya!”

Daig ko pa ang nabuhusan ng sobrang lamig na tubig. Napaatras ako. Umatras ako ng umatras hanggang sa hindi na ako nabububungan. Hindi ko man lang naramdaman ang pagkabasa ko sa ulan. Huminto ako sa pag-atras. Nasa tatlo o apat na dipa ang distansya naming dalawa ni Brixx.

“Ha-ha. Buhay? Ha-ha. Pinaglalaruan niyo ba ‘ko?”

“Donna, basa ka na!”

Umalis siya sa silong at tinangkang makuha ako. Marahil ay upang maibalik ako sa loob ng bahay.

“Makinig ka muna sa akin, Donna. You have to understand!”

“Hindi ko na alam ang paniniwalaan ko, Brixx. Hindi ko na talaga alam.”

“Makinig ka. Walang kasalanan si Mariel sa nangyari. Ang parents niya, sila ang may gustong palabasing patay si Mariel para magdusa ka habambuhay.”

Nagawa niya akong mahawakan. Hindi niya na pinalagpas pa ang pagkakakapit niyang iyon sa akin. Ikinulong niya ang mga kamay niya sa mga braso ko.

“Bakit alam mo ‘yan? Kasi kasabwat ka sa panloloko sa’kin?”

“Hindi! Listen to me. Huwag ka munang gumawa ng mga conclusion. You need to understand, Donna.”

“Bitiwan mo nga ako.”

“Hindi kita bibitawan hangga’t hindi mo naiintindihan! Kailangan mong marinig ang lahat ng matagal ko na dapat sinabi sa’yo!”

“Pero bakit ngayon lang?”

“Dahil nga natatakot ako sa puwedeng kahinatnan! Isa pa, hawak ako sa leeg ng parents ni Mariel. Forgive me. For once, maging open naman sana ang utak mo sa mga sinasabi ko!”

“Ayoko nang marinig ‘yang kalokohan mo. Look. Granting na totoo ‘yang mga sinasabi mo, ano ngayon? Ano ang gusto mong mangyari?”

“Gusto kong maging okay ka na!”

“Gusto mong maging okay ako samantalang hindi nga ako okay!”

“Hindi ka okay dahil hanggang ngayon, hanggang ngayon, Donna, nakakulong ka pa rin sa pagsisisi sa nangyari kay Mariel. Oo, naging malala ang kondisyon ni Mariel noong araw na iyon. Alalahanin mo ang mga nangyari! Sumunod ako no’n sa ospital. Nakita ko si Mrs. Fulgencio. Nagmamadali siya. Tulak-tulak niya ang wheelchair ni Mariel. Hindi ko alam no’n kung bakit sila nagmamadali. Nilapitan ko sila. Naipasok na sa sasakyan si Mariel, wala siyang malay no’n, nang mapansin ako ni Mrs. Fulgencio. Tapos, tapos, lumapit ako sa sasakyan. Ang sabi niya sa akin huwag na huwag ko raw sasabihin sa’yo ang nakita ko kundi raw… Ang sabi niya, wala raw akong ideya kung sino ang puwede niyang mapatay. Bigla-bigla na silang umalis no’n.”

“Tumigil ka na, Brixx…” papahina kong naibulalas. Patuloy na dumadaloy ang mga luha sa mga mata ko. “Tama na!”

Mula sa kinatatayuan namin kanina, umalingawngaw ang malakas na boses ni Tita Luz.

“Brixx, Donna, pumasok nga kayo dito!”

Naisip ko na ang maaaring sumunod na mangyari. Susunduin kami ni Tita Luz na may dala-dalang payong at mananatili na naman ako sa loob ng bahay nila. Kung gayon, paniniwalain pa rin ako ni Brixx sa mga pinagsasabi niyang ito na puros kasinungalingan at kalokohan. Habang maaga pa ay tumakbo na ako para hindi na mangyari iyon. Tumakbo ako ng tumakbo. Hindi man alam ang patutunguhan, patuloy lamang ako sa pagtakbo makawala lang kay Brixx na masugid na humabol sa akin. Hanggang sa maramdaman ko na lang ang unti-unting pagtakas ng aking malay.

Talakayan

8 thoughts on “Kahit Kapirasong Langit (10).

  1. Me ganon….

    Posted by morena | Setyembre 30, 2014, 12:07 hapon
  2. Wow. . Maloloka ako

    Posted by eli | Nobyembre 2, 2013, 8:02 umaga
  3. nice revalation:)

    Posted by joyjoy | Agosto 19, 2010, 11:44 hapon
  4. ang gulo…

    Posted by chen | Pebrero 10, 2009, 2:43 hapon
  5. ang haba pala nito nagulat ako.

    Posted by Paurong | Nobyembre 29, 2008, 1:42 hapon
  6. bitin..next chapter please…

    Posted by batabatuta | Marso 31, 2008, 10:33 umaga
  7. wahhh… kabitin nman!!!! kaylan ung kasunod?????

    Posted by lhen | Marso 28, 2008, 3:23 umaga
  8. wahhh… kabitib nman!!!! kaylan ung kasunod?????

    Posted by lhen | Marso 28, 2008, 3:22 umaga

Ano ang iyong masasabi sa iyong nabasa?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

TOP Calendar

Marso 2008
M T W T F S S
    Apr »
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
24252627282930
31  

Mga Istorya

Aming Nakaraan

%d bloggers like this: