binabasa mo ang...
Kahit Kapirasong Langit

Kahit Kapirasong Langit (6).

Hindi na ako ang dating Donna. Sumama na sa kamatayan ng pinakamatalik kong kaibigan ang Donnang masayahin, palatawa, palangiti. Wala na ang Donnang iyon. Ang naiwan ay ang babaeng hindi palaimik, palaging tahimik at kadalasang wala sa sarili. Hindi ko maubos-maisip na ganito ang magiging epekto ng lahat. Masakit pa rin. Kahit na ano ang gawin ko, hindi ko mawaksi ang kalungkutan sa loob ko. Nagbago na ako. Isang pagbabagong taliwas sa wasto.

Kung nakapapaso lang ang luha, namatay na ako sa kalungkutang dulot ng pagkamatay ni Mariel at ng pagkatuklas ng katotohanang nagkamali ako. Hindi ko na sana pagdurusahan pa ang pagkawala niya sa hinaharap na ilalagi ko sa mundo. Kayhirap tanggaping wala na ang best friend ko. Wala na ang taong nagpatatag sa akin sa mga hamon ng buhay. Wala na ang taong naging isang tunay na kaibigan hanggang sa huli. At ito na nga ang huli.

Isinilid ko sa pitaka ko ang litrato niyang nakaipit sa unahang bahagi ng diary niya. Hindi ko nagawang ilagay ang sarili ko sa tahimik habang tinitingnan ang bawat sulok ng kagandahan niya sa litrato. Sa pagpikit ko, gumuhit ang nakatawa niyang mukha at ang malambing niyang boses. Kidlat na rumagasa sa isip ko ang mga araw na magkasama pa kami, ang mga gabing nanonood kami ng laro ni Brixx, at ang mga araw na nawalan ako ng tiwala sa kanya. Humampas sa akin ang hitsura ng nagmamadaling sasakyan at ang pagkakabangga— Masakit alalahanin!

Nang nagkaroon na ako ng lakas ng loob na lapitan at mahawakan ang kabaong na pinaghihimlayan niya, naging yelo ang mga luha ko. Walang nagawang pagpapakawala ng dalamhati ang mga mata ko. Inilatag ko ang ulo ko sa ibabaw ng nakasarang kabaong at dahan-dahang napaluhod sa pagdaloy ng sakit.

Ilang beses ko pa bang uulitin sa sarili kong wala na siya?

Hindi nagpakita si Brixx. Dumaan ang ilan pang araw na paglalamay nang wala siya. Wala siyang pakialam sa nangyari. Nanatili siyang manhid at matigas. Akala ko ba’y mahal niya ako, palagi kong pagtataka. Ano na ngayon ang nangyari sa kanya? Hindi man lang ba siya makikiramay sa nangyari sa kaibigan niya?

Sa araw ng libing, humagulgol ako habang ibinababa sa hukay ang kabaong ni Mariel na nanatiling nakasara hanggang sa sandaling iyon. Walang kasiyahan sa hangin. Ang tanging natira ay kapighatian at pangungulila. Natapos ang seremonyas sa pagbabasbas ng isang pari sa himlayan niya at pagkuwa’y paglagay ng lapida at pag-aayos ng mga bulaklak na nakapaligid sa libingan. Lumisan ang lahat maliban ako.

Hindi napanatag ang kalooban ko hanggang sa mabanaag ko ang isang pigura mula sa malayo. Ang pigurang iyon ay papalapit sa kinaroroonan ko, papalapit sa libingan ni Mariel, papalapit sa mabigat kong dinadala. Gaya ko, nakagayak siya ng puros itim na kasuotan. Ang gawi niya ng paglakad, na sobrang pamilyar sa akin, ang nagpatunay sa sarili kong siya nga ang matagal kong hinintay na magbalik, hindi para sa akin kundi para sa namatay kong kaibigan. Sa kanya pumako ang tingin ko. Anaki’y walang makapagsalita sa aming dalawa. Nabigla na lang ako nang mapansin ko ang padausdos niyang pagluha habang ibinababa niya ang mga dala niyang puti at pulang bulaklak. Nang nakalma na siya, binasag ko na ang katahimikang sinasaliwan ng malakas na hangin.

“May kaila—”

“Ano’ng nangyari sa’yo, Brixx?” Blangko ang mukha niya. Walang sagot na namutawi mula sa bibig niya. “Inaasahan kita sa mga nakalipas na araw. Akala ko wala ka nang pakialam sa nangyari.”

“Walang pakialam? Hindi ko magagawang mawalan ng pakialam sa nangyari,” pasimula niya. “Kaibigan ko si Mariel. Kaibigan din kita.” Pababa ang tono ng boses niya sa huling pangungusap na iyon. Alam ko ang ibig niyang sabihin sa ganoong himig. Hindi na lingid sa kaalaman kong itinatago niya ang pagmamahal niya sa akin.

“So, ano nga ba ang pinagkaabalahan mo sa mga nakalipas na araw?”

“A—a—ako?”

“Mas mahalaga pa ang basketball na ‘yan sa nangyari kay Mariel!” sigaw ko.

“Hindi. Nawala na ang interes ko sa basketball. Ayoko na. Do’n nagsimula ang lahat. Kung do’n din naman magpapaalaala ang nangyaring ‘to, mabuti pang tigilan ko na.”

“Tigilan ang basketball? Nahihibang ka ba, Brixx?”

“Hibang na kung hibang. Naayos ko na ang lahat ng kailangang gawin para magkaroon ng closure sa pagitan ng team at ako.”

Napangiti ako. “Mukhang seryoso ka nga.” Ibinalik ko ang tanong na hindi niya pa sinasagot. “So, bakit ka ba nawala?”

Ikinaskas niya sa damuhan ang itim niyang sapatos. “May inasikaso akong mahalagang bagay.”

“Pero sana nandito ka man lang noong pakiramdam ko, nasa akin lahat ang sisi. Kasalanan ko, Brixx. Kasalanan ko.”

“Hindi. Hindi mo kasalanan. Aksidente ang nangyari. Isa pa, kung nasaan man si Mariel ngayon, sigurado akong maligaya na siya, tahimik na siya. Kahit anong sisi mo sa sarili mo, Donna, wala na siya. Hindi na maibabalik ng pagsisisi mo—”

“Pero kung hindi dahil sa’kin, kung hindi dahil sa kapalpakan ng utak kong ‘to, hi—hindi hahantong sa gani—”

Tumigil ang mundo ko. Marahil, huminto rin ang oras upang bigyang-daan ang sandaling iyon. Nakayakap siya sa akin. Nakabaling ang ulo niya sa ulo ko. Tumagos sa akin ang mabilis na pagtibok ng puso niya. Sa yakap na iyon, nawala ang sisi ko sa sarili at napalitan ng totoo kong damdamin kay Brixx. Siya pa rin ang laman ng puso ko.

“Mahal kita, Donna.”

“Patawarin mo ‘ko. Kung anu-ano ang inisip ko no’n.”

“Ssh. Hindi na kailangan. Tandaan mo lang na mahal kita. Mahal na mahal.”

Pinutol ko ang ugnayan. Naalala kong nasa harapan kami ng libingan ni Mariel.

“Tama na, Brixx.”

Nagulat siya sa ikinilos ko. Lalo siyang nagulat nang tumakbo ako palayo. Ang tanging nais ko ay kapayapaan sa sarili, kapayapaang para bang imposible kong taglayin. Hindi pa handa ang puso ko kung sakaling ipagpapatuloy pa rin ni Brixx ang pagmamahal na matagal na niyang ikinukubli. Pumasok sa isip kong sabihin iyon sa kanya ngunit pinigilan ako ng katotohanang mahal ko rin siya. Mahal na mahal.

Nagpatuloy ako sa pagtakbo. Saka ko lang siya lininga nang natumbok ko na ang tamang daan palabas ng sementeryo. Mabilis siyang tumakbo. Desidido siyang mahabol ako. At nagawa niya nga.

“Malayo ‘yon.”

“So?”

“Bakit ba? Ano bang problema, Donna?” Pareho kaming hinihingal pero patuloy pa rin siya sa pagsasalita. “Seriously, mahal kita. Mahal mo rin naman ako, diba? Huwag naman nating hayaang maging kontrabida ang trahedyang ‘to.” Nagpatuloy siya pagkatapos maging mas maayos ang paghinga. “We have to move on.”

“Tumigil ka na, Brixx. Para mo nang awa.”

“Ano ba’ng gusto mo? Sige, ako na lang ang susunod para matapos na lahat ‘to.” Gumitna siya sa kalsada. Binalutan ako ng takot at pagkainis.

“What’s wrong with you?” malakas kong tanong.

“Ok lang ‘to. Hayaan mo, siguradong tatamaan ako ng unang sasakyang darating. At pag nawala na ‘ko, magiging ok na talaga ang lahat, hindi ba ‘yun naman ang gusto—”

Narinig ko ang pagharurot ng isang puting sasakyan mula sa malayo. Isang taxi ang prumeno sa tapat namin. Umuusok ang ilong na binuksan ng matandang tsuper ang pinto nito. Napaurong si Brixx at napintahan ng gulat ang mukha niya habang tumatanghod ang matanda.

“Boy naman. Kita mong kalsada ‘to.”

“P—pasensya na ho.”

Bumukas ang isa pang pinto ng taxi at lumabas ang isang maputing babae. Napansin ko kaagad ang malagkit na tingin niya kay Brixx na para bang kakilala niya ito at ngayon lang niya ito nakitang muli. Dahan-dahang lumapit ang babae sa kinatatayuan ni Brixx. Nanatili akong nakatingin sa kakaibang kilos ng babaeng iyon.

“Oh. My. God.”

Halos malaglag ang panga ni Brixx sa pagkakatitig sa babaeng iyon. Para niyang tahimik na inuungkat ang baul ng nakaraan at matiyagang naghahanap ng mga alaalang napag-iwanan ng panahon. Matapos makahanap ay ngumiti siya—isang ngiting ngayon ko lang nakita sa mukha niya.

“Ashley? Ikaw na ba ‘yan?”

“Brixx!” sigaw niya sabay yapos. “Of course it’s me.” Bumitiw siya nang mapansing nag-aabang ang taxi. Inabutan niya ng perang pambayad ang matandang driver. Madaling nawala sa tagpong iyon ang sasakyan. Ibinalik ni Ashley ang totoong mundo sa pamamagitan ng muling pagyapos kay Brixx.

“Teka lang, Ashley. Ano’ng ginagawa mo dito?”

Ikinatuwa ko ang pagkalas ni Brixx sa yakap ni Ashley.

“It should have been a surprise kaya lang destiny na talaga ang nagdala sa’kin dito.”

“B—bakit ka nga nandito sa Maynila? Hindi na ba natuloy ang pangingibang-bansa niyo ng family mo? Kumusta na ba?”

“Obviously, walang biyaheng nangyari. Except for this one. Didito muna ‘ko. I just hope na this is for real na nga e. You know what? You have no idea how much I missed you.”

“Matagal na rin pala.”

“Yeah. Matagal na nga. It’s good namukhaan kita kaagad. Papunta na dapat ako sa house mo, eh. This weekend na ang birthday mo, Brixx. See? Hindi ko nakakalimutan. And I have no reason not to be there this time na nandito ako sa Manila.”

Saka ko lang napagtantong humihinga ako, buhay ako, naroon ako. Natauhan na lang ako nang maalalang malapit na ang kaarawan ni Brixx. Dahil sa labis na pagdamdam sa mga kaganapan, nakalimot ako sa realidad ng buhay. Dapat ko na ngang ipagpatuloy ang buhay ko. Kahit wala na si Mariel, kailangan ko pa ring magpatuloy. Hindi pa tapos ang laban ng buhay. Wala akong karapatang sumuko.

“Oy, Donna! Siya nga pala, Ashley, si Donna.”

Nagngitian kaming dalawa. Doon ko lang napansing may kagandahan itong si Ashley. May pagkatsinita ang mga mata niya at tunay na maputi. Halos magkatangkad lang kami at kung susumahin ay maaaring magkasing-gulang din kaming dalawa. Naisip kong itanong kung sino ba talaga ang Ashley na iyon sa buhay ni Brixx nang siya na mismo ang nagpakilala sa sarili niya. Inabot niya ang kamay niya at nakipagdaupang-palad sa akin.

“Ako si Ashley. Nice meeting you, Donna. Childhood sweatheart ako ni Brixx.”

“Childhood friend ang ibig niyang sabihin do’n,” sabad ni Brixx.

“Ikaw siguro ‘yung nakukuwento niya sa’kin last time sa Friendster.”

“Stop it, Ash.”

Nilapit niya ang bibig niya sa tainga ko upang makabulong. “You’re so lucky to have him.”

“Ano ba, Ash?”

“Ok, fine. Teka nga. May patay ba?”

Ewan ko ba kung bakit hindi niya napansin kaagad na pareho kaming naka-itim ni Brixx. Sa tanong niyang iyon lang ako ulit nabuhusan ng malamig na tubig at nalagay ang sarili sa tamang paglagyan. Nasa pagluluksa pa rin ang pagkatao ko.

“Katatapos lang ng libing. Namatay ang best friend kong si Mariel.”

Hindi ako naging palagay sa pagwikang namatay ang best friend ko. Lalo na sa isang taong hindi ko pa naman kilala.

“Oh. I am so sorry to hear that, Donna. Condolence.”

“Ok lang ako. Isa pa, kailangang mag-move on.”

“Tama!” hiyaw ni Brixx.

“May lakad pa ba kayo?” tanong ni Ashley.

“Ah, sige, mauuna na ‘ko. Sige, Ashley.”

“Aalis ka na?”

“Kailangan ko na talagang umalis.”

Hindi na ako nagpapigil pa. Pumara na kaagad ako ng jeep upang makalayo sa kanilang dalawa. Hindi ko maubos-maisip na makita pa ang Ashley na iyon. May kung anong bumabagabag sa akin habang inoobserbahan ko ang kilos niya kangina.

Habang papalayo ang jeep, nakatanaw lang ako sa kanila. Alam kong mahal ko si Brixx pero hindi pa rin ako handang tanggapin sa sarili kong mahal ko siya.

Talakayan

10 thoughts on “Kahit Kapirasong Langit (6).

  1. Mejo magulo ang mga pagkakasalaysay ng mga salita….sana maayos..

    Posted by morena | Setyembre 30, 2014, 11:41 umaga
  2. na werla ako sa story. ang emo. too much drama

    Posted by gwyyn | Oktubre 20, 2010, 5:08 umaga
  3. Kalito naman to.. And a li’l bit oa-ness

    Posted by Zarah | Setyembre 17, 2010, 11:25 umaga
  4. good & unique story🙂

    Posted by joyjoy | Agosto 19, 2010, 1:22 hapon
  5. ang gulo yata ng isip niya…

    di ko maintindihan…

    Posted by chen | Pebrero 10, 2009, 2:09 hapon
  6. hindi lang siya childhood friend ata. medyo limot ko na rin tong kuwentong to.

    Posted by Paurong | Nobyembre 29, 2008, 1:41 hapon
  7. nako may childhood friend pa pala sa eksina

    Posted by razy_love | Nobyembre 9, 2008, 4:24 hapon
  8. at umiksena pa dyan c ashley huh… hehhehehe la lang😉

    Posted by michelle | Hulyo 23, 2008, 12:41 hapon
  9. nak nanggg! akala ko last two episodes na ito!

    oi ashley! nasaan si lupin!? ^_^

    Posted by foobarph | Marso 20, 2008, 2:58 umaga
  10. nak nanggg! akala ko last two episodes na ito!

    oi ashley! nasaan si lupin!? ^_^

    Posted by foobarph | Marso 20, 2008, 2:56 umaga

Ano ang iyong masasabi sa iyong nabasa?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

TOP Calendar

Marso 2008
M T W T F S S
    Apr »
 12
3456789
10111213141516
17181920212223
24252627282930
31  

Mga Istorya

Aming Nakaraan

%d bloggers like this: