Kahit Kapirasong Langit (1).
Sa tuwing may pagkakataon, gumagawi ako sa gymnasium para lang makita si Brixx. Isa siya sa mga hinahangaang manlalaro ng basketball sa paaralan namin. Sa tuwing nakikita ko siyang nag-eensayo kasama ng mga kagrupo niya, napatutunay ko sa sarili kong mahusay talaga siya. Sino ba namang babae sa campus ang hindi nakakikilala sa kanya o kung hindi man ay namumukhaan man lamang siya? Maski nga yata ang mga bata pang mga guro ay nahuhumaling din sa kanya. Hindi na iyon kataka-taka. Matangkad siya, may kaakit-akit na tindig, may mapupungay na mga mata, may tila malalambot na mga pisngi at may mapupulang mga labi. Malaking bagay din ang ngiti niyang nakalulusaw.
Noong unang beses na nakita ko siya, hindi ako tinamaan. Noong lumaon ko na lamang natuklasan sa sarili ko ang pagkagusto ko sa binata. Nagpaigting pa sa emosyon kong iyon ang nangyari noong una ko siyang natitigan ng matagalan. Dumaraan ako noon malapit sa gilid ng court nang tumalbog sa nilalakaran ko ang bola at siya ang tumakbo papalapit sa akin upang makuha iyon. Aywan ko nga ba kung bakit kailangan niya pa akong tingnan ng ganoon, na para bang may kasalanan ako sa kanya.
Mabuti na ring nakita ko siya noong araw na iyon. Mabuting naalaala ko ang gaganaping liga pagsapit ng gabi kinabukasan. Kaya nga pagkabalik ko sa aming silid-aralan ay nasabik akong ibalita iyon sa matalik kong kaibigang si Mariel.
Nagulat ako ng nagmamadali niya akong nilapit upang ipaalam na nawawalan siya ng isang mahalagang bagay.
“Ano ba ‘yung nawawala? Baka naman nasa bag mo lang.”
“‘Yung diary ko kasi. Hinalukay ko na’t lahat ang bag ko. Wala do’n.”
“Saan natin hahanapin ‘yon?”
“Hindi ko alam.”
Maliliit pa lamang kami ni Mariel, magkaibigan na kami. Lumaki kaming magkalapit ang mga bahay namin. Nakatutuwang isipin na may pinagsamahan din ang aming mga magulang. Iyon nga lamang, hindi na ngayon katulad ng dati na magkakasama ang mga pamilya namin sa mga okasyon, mga pagdiriwang at mga salu-salo. Wala rin akong malay kung bakit nagkaroon ng puwang sa pagitan ng mga pamilya namin. Ang maganda lamang talaga ay ang nanatiling samahan namin ni Mariel. Lubos kong ipinagmamalaki iyon.
“Mahahanap din natin ang diary mo, Mariel,” buo ang loob kong sinabi. “Malay mo naman, may nakakitang security guard. Ang mabuti pa niyan e puntahan na lang natin ‘yung Students Affair Office. Malay mo, diba?”
“Umasa ka pa sa Lost and Found system nila e bulok naman ‘yon,” may maasim na mukha niyang winika. “Ni wala nga yata silang nari-recover na mga lost items, eh! Paano pa kaya ‘yung diary ko?”
“Ba’t ka naman ganyan magsalita?”
“Alam mo, best friend, kahit kelan naman e bulok na ang pamumuno dito sa school natin. Hindi ka na ba nasanay? Apat na taon na tayo dito.”
“Oo nga, at apat na taon na ring puno ng reklamo ang bibig mo!”
“Huwag mo naman akong sisihin! Ikaw din naman ang may kasalanan kung bakit nawala ‘yun! Kung hindi ka sana nagmamadaling pumunta sa gym e di sana hindi mo ‘ko iniwan, e di sana hindi ko naiwanan kung sa’n-sa’n. Bakit ba kasi palagi ka na lang nando’n?”
“Nabalitaan ko, may liga bukas. 6:00 pm. Ano, sama ka?”
Napakamot ng ulo si Mariel. “Liga na naman?”
Napatungo ako kasama ang ngiting mapang-udyok.
“5:00 sa waiting shed sa labas bukas, ha?”
Hindi kaagad nakaimik si Mariel.
“Pero ‘yung diary ko. Feeling ko natapon na ‘yon sa basurahan.”
“Pwede ka pa namang magsulat sa panibago, diba? Kung nasa basurahan na nga iyon e wala ka nang magagawa. Tanggapin mo na lang.”
“Friend, hindi gano’n kasimple ‘yon.”
“O, siya! Bukas, ha?”
“Ano pa nga bang magagawa ko?”
“Aasahan kita.”



















sino kaya nakapulot ng diary? ahehe… siguro si brixx, lolz!